Vaccine sa COVID-19 ito na nga ba? “Shadobo” O Shabu sa Adobo

Tapik ni Tonying

Tama nga ang kasabihan na ang tao ay sala sa init at sala sa lamig at idagdag pa riyan yung tinimbang ka ngunit kulang, bakit kanyo mga kabayan, noong kasagsagan ng virus ni Covid-19 halos ang bukang bibig ng mga tao ay pag may vaccine ng Covid mauuna akong magpa-vaccine, eh ngayon na may mga lumalabas na ang vaccine na gawa ng Moderna at ng Pfizer, gawa sa Russia, China at Germany ay halos ayaw na nilang magpavaccine.

Sa mga social media marami ang nagsisilabasan na may masamang epekto ang vaccine sa Covid-19 dahil sa lumalabas na report na may mga nagpa-vaccine na sa ibang bans a na nagkaroon ng masamang epekto sa kanila. Ngunit ano ba ang katotohanan sa mga vaccine na ito? May mga health expert na nagsasabi na safe umano ang mga vaccine na inilabas ngunit inamin din nila na hindi ito “perpekto”, na ito ay maaring may “side effect” ngunit di-umano ay di naman nakakamatay.

Sa Lunsod ng Baguio at maging sa lalawigan ng La Union at Benguet ay nagsasagawa na ang mga nasa health department ng simulations sa mga lugar na mga priority na mabibigyan ng unang vaccine. Ang Baguio General Hospital and Medical Center ay may paghahanda na kung saan ay mayroon silang 2,500 na mga empleyado at ang 2,100 ay mga frontliners at siyempre ang mga frontliners ang mga priority na mabigyan ng vaccine, gaya ng mga doctor, nurse, pulis, sundalo at iba pang mga volunteers.

Sabi nga sa unang ulat ng Palasyo ay may 20 milyon na mamamayan ng Pilipinas ang mga unang mabibigyan ng bakuna, ang tanong sinu-sino ba sila? Sa Lunsod ng Baguio ayon sa BGHMC ay marami ang willing magpabakuna, ito ay matapos na malaman ng mga residente na ligtas ang vaccine na gawa ng Astra Zeneca and Pfizer, na napatunayan umanong ligtas at mabisa at ito ay inaprubahan na ng Food and Drug Authority o FDA, ayon kay Dr. Bernard Demot, isang expert sa Adult Infectious Diseases.

Hinihikayat din ng mga doctor ang mga residente na magpabakuna upang maligtas sa sakit na Covid-19. Ngunit sa aking palagay marami pa rin ang may alinlangan sa vaccine, may mga nakausap nga ako na hindi sila magpapabakuna, sabagay hindi naman sapilitan ang pagpapabakuna at hindi ka rin naman makukulong kung ayaw mo, sabi nga nila sa ingles e “take your own risk”. Kapit sa patalim ito ang madalas na sinasabi ng mga Pilipino kapag nagigipit sa buhay na kung saan ay isinasakripisyo ang buhay o sarili upang mabuhay lamang.

Nitong pagpasok ng Pandemya ang buong akala natin ay matitigil na ang bentahan ng iligal na droga tulad ng shabu o marijuana, ngunit hindi ito huminto datapwat naging “mapamaraan” pa ang mga tulak ng shabu. Noong nakaraang lingo, isang call center agent ang nadakip, at noong lingo rin na yun ay may nadakip din na mga suspek sa pagtutulak ng shabu, ang ilan naman ay nahuli sa pagtutulak ng marijuana.

Nitong lingong ito ay may dalawang tulak ng shabu ang nadakip na kung saan ay inilagay sa fried chicken ang mga shabu, nitong nakaraang Martes ay nahuli naman ang isang lalaki na nagdala ng adobo sa loob ng Baguio City Jail na kung saan ay tinawag nila itong “shadobo” . Nahuli ang nasabing suspek sa isinagawang buy bust operation na pinangunahan ni City Police Director Col. Allen Rae Co, nakumpiska sa suspek ang ilang gramo ng shabu.

At hindi lang yan, nagpakalbo pa ang suspek upang hindi siya makilala na siya nga yung nagdeliver ng “shadobo” sa loob ng city jail. Ngunit nakilala siya sa kuha sa isang cctv. Isipin mo nga naman para kumita ng pera ay kung anu-anong paraan ang ginagawa ng mga tulak ng shabu makapabenta lamang. Ngunit kahit anong galling nila ay nahuhuli pa rin sila ng mas magaling na mga miyembro ng kapulisan.

Kung may mga suhestiyon kayo at paksang nais talakayin, mag-email lang sa amiananbalita@gmail.com