Vendors sa trading post, 45 araw na magtitinda sa BAPTC

 
LA TRINIDAD, BENGUET – Kumpirmado na ang paglilipat ng mga mangangalakal ng gulay mula sa Trading Post patungo sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center (BAPTC).
Ngunit paglilinaw ni Janice Binay-An, municipal marketing supervisor, ang paglilipat ay pansamantala lamang.
Ayon sa ilang mangangalakal ng gulay na nakapanayam ng Amianan Balita Ngayon, ang pagpapalipat sa kanila ay isang bagay na hindi nila mapipigilan. Anila, wala silang magagawa kundi sumunod sa panukalang ito.
Hinihiling ng mga nagtitinda sa trading post na kung ipapatupad na ang paglilipat sa kanila ay tulungan din silang maglipat ng gulay na kanilang aangkatin upang di maging problema sa kanilang pagtitinda.
Nanawagan pa sila na maging maayos ang komunikasyon ng munisipyo at ahensya ng pulisya.
Ngunit paliwanag ni Binay-An, ang magaganap na pagpapalipat sa BAPTC ay para lamang sa gagawing trade fair na parte ng selebrasyon ng 36th Strawberry Festival.
Ito ay magiging epektibo lamang sa loob ng 45 na araw, aniya.
Hiniling ni Binay-an na makipagtulungan sa kanila ang mga vegetable vendors.
Inamin ni Binay-An na pinag-aaralan kung tuluyan nang ipapalipat ang mga mangangalakal ng gulay sa BAPTC kung makitang maganda ang magiging takbo ng pansamantalang paglipat ng mga ito.
Kung halimbawa mang matapos na ang 45 na araw, ayon kay Binay-An, kahit si Mayor Romeo K. Salda ay inaprubahan na maaari pa rin namang bumalik ang mga nagtitinda sa dati nilang lokasyon sa trading post.  Aubrey Morales, UC Intern

Latest News

Amianan Balita Ngayon