VOTER REGISTRATION, IPINARATING NG COMELEC SA LIBLIB NA BARANGAY SA BENGUET

KIBUNGAN, Benguet

Hindi naging hadlang ang layo ng barangay Tacadang sa sentro ng bayan upang maiparating dito ng Commission on Elections (COMELEC) Kibungan ang voter registration para sa mga botante.
Ilang oras na lakaran ang ginugol ng mga kawani ng COMELEC – Kibungan makarating lamang sa lugar. Sa panayam ng PIACordillera kay Election Officer II Abelardo Lindawan, Jr., inihayag nito na tatlong sitio, partikular na ang Proper, Batangan, at Les-eng ang pinuntahan nila sa isinagawang
offsite registration mula Enero 12 hanggang 14.

Mula sa drop off point ay naglakad aniya sila ng 45 minuto patungo sa Proper. Mula sa Proper ay naglakad sila ng apat na oras paakyat ng Batangan, at mula sa Batangan ay naglakad sila ng isang oras patungo naman sa Les-eng. Aniya, nagbunga naman ang kanilang pagod dahil nakapagparehistro sila na 82 residente roon kung saan, 40 na na-reactivate.

“Actually, adu ti in-reactivate tayo nga senior citizens, sumadsadot da kanu nga agbotos, we
have convinced them nga if possible, agrehistro tayo latta … it is our way to help the government
(Actually, marami tayong ni-reactivate na senior citizens, tinatamad daw sila na bumoto (but) we have convinced them na kung maaari, magrehistro pa rin tayo … it is our way to help the government),” ani Lindawan.

Pinasalamatan naman nito ang pamahalaang lokal ng Kibungan sa pangunguna ni Mayor Cesar
Molitas at ang mga barangay official ng Tacadang sa matagumpay na pagsasagawa ng satellite
registration. Sa Enero 26 ay muli silang magsasagawa ng offsite registration sa Barangay Tacadang
partikular sa sitio Dalipey. Ani Lindawan, itataon nila ang registration sa foundation day ng paaralan sa lugar kung saan puntirya nilang mairehistro ang mga hindi pa rehistradong residente ng sitio Lanipew, Culiang, at Dalipey. Sa ngayon ay umaabot na sa 129 ang total applications na natanggap ng COMELEC Kibungan. Puntirya ng opisina na makapagparehistro ng 200 botante bago magtapos ang voter registration nitong Enero 31 para sa October 2023 barangay at Sangguniang Kabataan elections.

(JDP/DEG-PIA CAR) (All photos: COMELEC – Kibungan)

Amianan Balita Ngayon