Voter registration para sa 2019 midterm elections, nagpapatuloy

LUNGSOD NG BAGUIO – Upang mas maraming botante ang mapagsilbihan ay nagsasagawa ang Commission on Elections sa lungsod ng satellite o offsite registration kasabay ng nagpapatuloy na voter registration sa mismong tanggapan nito para sa 2019 midterm elections.
Isang buwan ang nakalipas mula nang muling buksan ng Comelec ang voter’s registration hindi lamang sa lungsod kundi sa buong bansa, umaabot sa 2,946 ang naitalang kabuuang bilang ng mga bagong rehistrong botante sa lungsod ng Baguio simula noong Hulyo 2 hanggang Agosto 2 ngayong taon.
Ayon kay Baguio Election Assistant Encarnacion J. Dalilis, 200 o higit pang aplikante ang kaya nilang tanggapin sa isang araw.
Samantala, ang tinatawag na satellite o offsite registration ay ang pagsasagawa ng voter’s registration sa mga barangay halls, pampubliko o pribadong paaralan, at iba pang pampublikong lugar. Maaari itong ipakiusap sa lokal na tanggapan ng Comelec.
Sa muling pagbubukas ng registration ng mga botante ay isinagawa sa Holy Ghost Extension ang unang offsite registration noong Hulyo 14.
Tinatayang 249 na katao ang nagparehistro kasama na ang mga nakiisa na galing sa mga kalapit barangay tulad ng Holy Ghost Proper at City Camp Proper.
Dagdag pa ni Dalilis, hindi na mahihirapan ang mga aplikante dahil sila na ang mismong nagdadala ng pagpaparehistro sa mga aplikante at iyon din naman ang kanilang layunin upang makaiwas na rin sa abala.
Ayon pa sa kanya, mas marami ang nag-apply na botante sa offsite registration kumpara sa mismong tanggapan ng Comelec.
Ang muling pagbubukas ng voter’s registration ay ang unang hakbang ng isinasagawang preparasyon para sa maayos at mas magandang halalan sa darating na taon. Tatagal ang nasabing registration hanggang sa ika-29 ng Setyembre ngayong taon.
Para sa mga hindi pa nakapagparehistro ay bukas ang opisina ng Comelec tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8am hanggang 5pm. Bren Antonette C. Embesan, UC Intern
 

Latest News

Amianan Balita Ngayon