“Wag magsisi sa bandang huli, Pangasinense”

Opinion

Nakaamba na naman ang panganib ng black sand mining sa Pangasinan. Nakaumang ang sakuna sa kalikasan, kabuhayan ng mga mangingisda at personal na kaligtasan, lalo na sa mga dalampasigan, ang proyektong Iron Ore Pangasinan Offshore Magnetite Mining na may kabuoang 9,252.4506 ektarya mula Sual, Labrador, Lingayen, Binmaley at Dagupan City.

Nag-aaply ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ang kumpanyang Iron Ore, Gold, and Vanadium Resources (Phils.) Inc., isang kumpanyang Australian, dahil kategoryang “Environmentally Critical Project (ECP)” ang proyekto na naglalayong magmina metallic at non-metallic minerals pati langis, gas at deuterium (off-shore) sa Lingayen Gulf.

Nakapaloob ang proyekto sa Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) No. 07-2020-IOMR na sinangayunan ng Malacanang noon pang November 25, 2020.

Nararapat na mulat at mapagbantay ang mga Pangasinense, dahil sa kabila ng panangailangang magtamasa sa rekurso sa likas na yaman ng Lingayen Gulf, dulot ng black sand mining ay pagbabaha o “coastal flooding” dahil sa “coastal erosion” na maglulubog sa mga komunidad at tuluyang pagkasira sa “marine ecosystem” sa mga nasabing bayan.

Nangangamba din ang pagkukunan ng pagkain mula sa dagat at kalupaan dahil sa malakihang pagkabulabog ng “hydro at geological systems”.

Kasama na rin ang epekto nito sa kalusugan ng mamamayan at kabuhayan na magdudulot ng mga samu’t saring suliranin gaya ng mga sigalot sa komunidad.

Marahil hindi agad-agad makikita ang masamang dulot ng black sand mining, ngunit mainam na maaga pa lamang ay makialam at
manindigan na ang mga Pangasinense.

Tiyak ng ipangangalandakan ng kumpanyang Iron Ore, Gold, and Vanadium Resources (Phils.) Inc. pati na rin ang DENR na exploration pa lamang ang mangyayari, dahil sa pangalawang kwarto pa lamang ng 2022 maguumpisa ang aktwal na pagmimina.

Ngunit karanasan ng mga komunidad na sinalanta ng mapanirang pagmimina at black sand mining operations sa bansa at buong mundo ang nagpapatunay na kapag naumpisahan na ang proyekto’y hindi na maibabalik pa ang kasiraan.

Alalahanin — ang pagsisisi ay laging sa bandang huli!