Waitress, nagwala sa bar

Police Patrol

Mga galos sa mukha at labi ang tinamo ng ilang waitress sa bar matapos na nagwala ang katrabahong waitress bandang 7:30 ng gabi ng Setyembre 9, 2017 sa Poblacion, Paracelis, Bontoc Mt. Province.

Humingi ng tulong sa Bontoc police si Lara Gamblot Pablo, 20, single, waitress at tubong Poblacion, Paracelis bandang 7:45pm dahil sa diumano’y paglikha ng ingay, iskandalo at pananakit sa kapwa waitress sa 888 Bar ng suspek na kinilalang si Kristine Joy C. Mangatam, 18, single.

Agad na rumesponde ang mga pulis at naabutan nilang babasagin sana ng suspek ang isang bote ng alak subalit naudlot dahil sa pagpigil ng mga pulis. Dinala naman agad ang waitress sa Bontoc MPS sa kabila ng pagmamatigas ng suspek na nakuha pang murahin ang mga pulis. Pagkaraan ay personal na naghain ng reklamo si Pablo at iba pang biktima laban sa suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon, diumano’y sumugod ang suspek, na pinaniniwalaang nakainom, sa nasabing bar at hinanap ang amo na kinilala lamang sa pangalan na Mrs. Baleo-ang.

Nagsisigaw ang suspek kaya makaraan ang ilang minutong patuloy nitong pagsisigaw ay pinapakalma ito ng isa pang waitress ngunit minura lamang ito ng suspek at agad hinablot ang buhok ng waitress kaya tinangkang umawat ng ibang kustomer ngunit kinuha ng suspek ang isang monoblock chair at inihampas ito sa ulo ng waitress.

Nang dumating ang may-ari ng bar ay agad nitong inawat ang suspek subalit hinila rin ng suspek ang buhok ni Baleo-ang kaya tumakbo ito ngunit hinabol ito ng suspek at nang maabutan ay hinablot ng suspek ang buhok ng biktima at hinila ito habang sinusubukan pa ring umawat ng ibang katrabaho at kustomer. Nakatakas ang biktima sa kamay ng suspek habang patuloy naman ang pagbabasag ng mga bote ng alak ang suspek. Ang mga nasira ng suspek ay hindi pa matukoy.

Ang mga biktima ay agad na dinala sa Bontoc General Hospital para sa agarang lunas. Nagtamo ng multiple abrasions sa lower lip ang isang kinilalang Mrs. Gumnad; may hematoma sa left parietal area ang isa pang waitress; at ang isa pang waitress na hinampas ng upuan ay nakaranas ng superficial abrasions at hematoma.

Sa patuloy na imbestigasyon, napag-alaman na hindi ito ang unang pagkakataong nagdulot ng pinsala ang suspek sa mga katrabaho. Ang kaso ay masusi pa ring iniimbestigahan.