WAKASAN NG PARAMDAM

TULAD NG inaasahan, tumitindi na ang mga paramdam ng pulitika. Isang buwan na lamang at deadline na nga naman ang pag-sumite ng mga kakandidato sa susunod na halalan na halos ay isang taon ang gagawing kampanya. Ngayon pa lamang, ramdam na ramdam na ang mga hinaing ng mga umaasang mapabilang sa mga aarangkada para sa halalan. Namumugto ang mga mata, halos basag na ang mga tinig. Kasi ang ilan sa kanila, sa pangalan lamang nangungunyabit mapa bilang lang sa mga tila mga kabayong humulagpos sa inlya ng karera.

Kung noon pa man, mga ilang buwan lamang ang nakaraan, ay wala tayong mararamdaman, ngayon ay hayagan na. May mga pangalan, ang iba naman ay ngayon pa lamang maririnig. Ito ang karerang pang matagalan. Kung baga, ilang ikot sa oval grounds. Yung iba kumukuha ng bwelo, pero karamihan sa kanila ay parang karera ng daga ang ginagawa. Paikot-ikot sa nilalargahan. Pasiko-siko kung kinakailangan. Kaya naman, ngayon pa lang, mayroon na tayong nariringgan ng mga katagang tila ilang gabing binuno upang mailikha: “Ang nakaraan ay sinasabing puno ng mga liksyon upang gabayan ang paglalandas sa hinaharap.

Ngayon ang panahon na kailangan pag-ibayuhan pa ang mga gawain sa kasalukuyan, mabigyan lamang ng pagkakataon upang mga darating na kinabukasan ay mapatingkad pa ang mga misyon at ambisyon.” Ganun? Eto pa: Pagtutulungan, pagsasaisip ng sama-samang pagpupunyagi ang mga ito ang sasaklaw sa kasalukuyan, magisnan lamang ang hinaharap ng buong giting, buong galing at buong husay. Tibay ng dibdib. Tatag ng loob. Hindi lamang ito mga payak na kataga, ngunit parang mga sulo na magbibigay liwanag sa patuloy na pagtahak sa mga daraanang landas.

Eto na nga, ngayon pa lang, halos walang kapaguran ang mga pangyayari upang ang pangalan ay maikandong sa isipan. Tunay na walang puknat at patuloy ang hindi pa pormal na kampanyang puro mga paramdam, pabulong, pahimas-himas na sadyang pinaiingay upang bigyan ng bagong kulay ang halos ay isang taong singkad na pag-tutunggali. Eh bakit nga naman napa-aga ng pagsumite ng kandidatura, samantalang ang eleksyon ay sa isang taon pa? Hindi dapat kaligtaan na may hangganan ang pagpapakilala sa mga umaasang mabigyan ng pagkakataon na mapabilang sa mga hanay ng lingkod bayan.

Darating pa ang Pasko, na pinakamagastos na pagdiriwang sa buong taon. Aba, ngayon pa lang iikli na ang pisi ng kakayahan. Kaya hindi kataka-taka na walang puknat ang mga pagpaparamdam ng mga taong hangad din ay magsilbi sa tamang  panahon. Sa totoo lang, talaga namang hindi maiiwasan at mapipigilan ang mga ganitong uri ng pagpaparamdam ng magiging sistema hanggang sa deadline of candidacy filing. Ang siste nga, nakikipagtimpalakan na ang mga kandidato, tuloy-tuloy ang girian, ang salpukan sa larangan ng pulitika. Hindi mapigilan ang mga tinig na humuhulagpos, mga tinig ng “kami rin inyong dinggin.”

Iba’t ibang tinig, kahit na mamaos ang boses, pero epektibo pa ring mga paramdam at parinig at paghaplos maiukit lang sa isipan ng mga botante. Nakalulungkot lamang na ang ayudang galing sa atin din, kinalkal sa mga buwis na dugo, pawis at luha ang iniambag, ay walang habas na ginagamit ng tahasan at walang pakundangan. Pero ano ka, mala-pyesta ang dating sa mga bara-barangay. Akalain mo, binibisita sila ng buong pwersa – pwersa ng ngiti at halakhak, pwersa ng ayudang alam naman natin ay galing din sa kaban ng bayan.

Ating buwis, na tahasan at walang pakundangan na isinasabog sa mga taong naghihiyawan sa tuwa at galak. Pwede po ba, kaban ng bayan iyan, ayudang may pamamaraan ng pagpili kung sino ang karapat-dapat na nakalista. Yung mga pinakamahirap sa mga mahihirap at salat sa buhay. Ang siste nga, kahit sino na ay pinipwersang maisama, maiparamdam lang na nanggaling sa sariling bulsa ng mga kandidatong mugto ang mata sa pagnanasa na maiukit sa isipan ng mga nabibiyayaan. Ayuda, ayos na?

Amianan Balita Ngayon