Wala munang Saturday classes: DepEd

LUNGSOD NG BAGUIO – Binigyang-diin ng Division of City Schools ng Department of Education (DepEd) na hintayin muna ng mga pribado at pampublikong paaralan sa lungsod ang pagisyu ng official division memorandum bago magiskedyul ng Saturday classes para sa kanilang mga estudyante kapalit ng mga araw na ang klase ay sinuspinde dahil sa masamang kundisyon ng panahon.
Sinabi ni City Schools Division Superintendent Federico Martin na may sapat pang bilang ng buffer days sa kasalukuyang school year pamalit sa mga araw na ang pasok sa mga eskwelahan ay sinuspinde dahil sa mga bagyong dumaan.
Sinabi din niya na ang kanilang tanggapan ay magiisyu ng angkop na tagubilin sa iba’t-ibang pribado at pampublikong paaralan sa lungsod sa pamamagitan ng division memorandum oras na ang mga existing buffer days ay gamit na para ang mga apektadong estudyante ay kailangan nang magkaroon ng Saturday make-up class.
Sa kasalukuyang school year, sinabi ni Martin na mayroon pang natitirang kulang-kulang sampung buffer days pamalit sa mga araw na ang klase ay sinuspinde, kaya ang mga estudyante ay hindi pa nararapat magkaroon ng make-up class.
“We are keeping our fingers crossed that the weather condition in the city will start improving so that there will be no declaration of suspension of classes in both private and public schools in the city that might affect the momentum of the students in the learning process,” ani Martin.
Ayon sa kasalukuyang patakaran ng DepEd, mahigit 200 ang araw ng pasukan sa school calendar at kinakailangang pasukan ng estudyante ang di kumulang sa 180 araw para kumpletuhin ang school year, habang ang ibang araw naman ay inirereserba ng ahensya bilang buffer days sa mga araw na ang klase ay sinuspinde dahil sa pagdeklara ng official holiday at dahil na din sa masamang kundisyon ng panahon, lalo na sa mga lugar sa bansa na apektado sa pananaig ng masamang panahon.
Aniya, kinakailangan ang pahintulot ng DepEd bago magkaroon ng Saturday make-up class kaya naman nararapat na hintayin ng mga tagapangasiwa ng mga pribado at pampublikong eskwelahan ang pahayag ng DepEd para maiwasan ang pagkalito ng mga estudyante at mga magulang.
Inihayag din ni Martin na gamit na ang sampung buffer days sa unang dalawang buwan ng pasukan dahil sa mga nakaraang regular at special holidays at sa idineklarang suspension ng klase sa iba’t-ibang mga antas dahil sa mahabang panahon ng monsoon rain noong nakaraang buwan.
Nanawagan si Martin sa mga magulang at mga estudyante na intindihin ang mga desisyong ihahayag ng ahensya oras na ang mga buffer days ay ubos na dahil ang mahalaga umano sa learning process ay ang hindi ito magambala ng mga di inaasahang pagdeklara ng class suspension.
 
Dexter A. See, PIO-Baguio/Merriam del Rosario-ABN

Amianan Balita Ngayon