Walang sisihan, magtrabaho na lamang

“Huli man daw at magaling ay naihahabol din” – ang kasabihang ito marahil ay hindi na aakma sa nakaraan at kasalukuyang pinagdadaanan ng ilan nating kababayan sa Cordillera, lalong-lalo na sa mga nabiktima at mga nagdadalamhating mahal sa buhay ng mga nasawi sa hagupit ng bagyong Ompong nitong nakalipas na linggo. Ang utos ni Secretary Roy Cimatu ng DENR na itigil, suspendihin ang lahat ng operasyon ng small scale mining (illegal) sa buong Cordillera bagamat ‘magaling’ ay hindi na naihabol.
Hindi naging ligtas ang lungsod ng Baguio sa baha at Cordillera sa hagupit ni Ompong na itinuring na  pinakamalakas na bagyong dumapo sa bansa – sa ngayon. Sa huling ulat ay 83 na ang naitatalang namatay at nasa 50 pa ang nawawala mula ng manalasa ang bagyong Ompong madaling araw ng Setyembre 15. Pinakamarami ang mga nasawi sa Itogon ng matabunan ng buhay at habang sinusulat ito ay ang nasa 31 bangkay ang naiaahon mula sa gumuhong lupa at 39 pa ang pinaghahanap, karamihan ay mga minero sa Ucab, Itogon, Benguet. Ayon sa awtoridad bagama’t hindi sila nawawalan ng pag-asa na maaaring may buhay pa ay madadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi.
Sino ang hindi makakalimot sa naitalang pinakagrabeng insidente ng pagguho sa buong rehiyon ng Cordillera noong Oktubre 2009 na may 40 pagguho at nasa 250 katao ang nasawi kung saan ang kahabag-habag at makadurog-puso ay ang insidente sa Little Kibungan, Puguis, La Trinidad, Benguet – iniulat na 70 ang namatay dahil sa bagsik ng bagyong Pepeng. Isa pang hindi makakalimutang trahedya ng pagguho ay nangyari noong Agosto 2015 kung saan 17 small scale miners ang natabunan ng buhay sa Mankayan, Benguet dahil sa pagguho ng lupa sa kanilang bunkhouse sanhi ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan noon. Sa buong Pilipinas ang naitalang pinakagrabeng kaso ng pagguho sa kasaysayan ay nangyari noong Pebrero 2006 sa bayan ng St. Bernard, Southern Leyte kung saan sa loob ng dalawang linggo ng kakaibang lakas ng pag-ulan ay nabaon ang buong barrio – mahigit 1,000 residente kabilang ang 200 batang mag-aaral ang napaulat na namatay.
Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, ang panganib ng pagguho ng lupa sa Pilipinas na isa sa “most disaster-prone” na bansa sa mundo ay lubhang tumataas. Ang rehiyon ng Cordillera ang may pinakamataas na panganib ng pagguho ng lupa sa buong Pilipinas at lahat ng anim na probinsiya nito ay nasa talaan ng Mines and Geo-Science Bureau (MGB) bilang top 10 probinsiya na may pinakamataas na “landslide susceptibility levels”.
Dahil karamihan ng nagiging biktima ng pagguho ng lupa ay mga minero ay napakadaling isisi sa operasyon ng pagmimina ang mga pangyayari, kung sabagay – kung walang pagmimina ay natural walang minero at kung walang minero ay walang pagmimina. Nakalimutan na bang may mga bagay din na dahilan ng pagguho, una dito ang natural na pangyayari: pagbabago ng kundisyon ng panahon na nagdudulot ng kakaibang dami ng ulan; ang kundisyon ng mga lupa sa lugar; ang mabilis na urbanisasyon; hindi karaniwang mataas na presipitasyon bilang resulta ng pagbabago ng klima na nagpapataas sa panganib ng pagguho, ilan pa at kung maniniwala kayo sa ganti ng kalikasan.
Ang pagpapatigil sa operasyon ng mga small-scale mining ay tila pansamantalang lunas lamang sa pighati at galit ng ilan dahil isinisisi nga sa pagmimina ang trahedya. Ang pagsisisihan ay wala magandang maidudulot bagkus mas mainam na tingnan ang tunay na dahilan at magkaroon ng malawak at pangmatagalang solusyon o positibong hakbang ukol dito. Sa pagdami ng populasyon at paglaganap ng kahirapan na tanging ang pagmimina ang alam na pagkakakitaan ng ilan ay hindi sila mapipigilang tumira sa mga mapanganib na gilid ng mga bundok at – mabuhay lamang. At sa paulit-ulit na trahedya sana ay may natutunan na tayo at ang gobyerno. PMCJr.

Amianan Balita Ngayon