WONA pinaigting ng sundalo laban sa sa insurhensiya

CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Pinaigting pa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Whole-of-Nation Approach (WONA) to End Local Communist Armed Conflict na kung saan, naging aktibo rin ang mga mamamayan sa pagtulong sa gobyerno laban sa insurhensiya sa mga rehiyon ng Cordillera at Lambak Cagayan.
Nabatid kay Maj. Jekyll Julian Dulawan, chief ng Division Public Affairs Office ng 5TH Infantry (STAR) Division ng PA, apat na dating kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nakatanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng Firearm Remuneration ng Enhance Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), noong Abril 14 sa Bontoc Mt.Province, sa tulong ng kasundaluhan ng 54th Infantry Battalion ay naipasakamay ni Director Anthony Manolo Ballug, Provincial Director ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kabuuang P370,000 na tulong pinansyal sa mga dating miyembro ng rebeldeng grupo, matapos ang kusang-loob na pagsuko sa pamahalaan noong
nakaraang taon.
Ayon kay Dulawan, sa bayan ng Tinoc, Ifugao, naipamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kanilang fisheries livelihood project na nagkakahalaga ng P1 milyon noong Abril 4 sa may 29 mangingisda sa Barangay Binablayan, Danggo, Luhong, Tukukan, at Wangwang. Ang naturang pangkabuhayan ay naglalaman ng fingerlings at feeds na kinakailangan sa kabuuang proseso ng demo culture.
Naisalarawan naman ng kasundaluhan ng 50th IB, kasama ang mga CAFGU Active Auxiliary ang bayanihan nang nakibahagi sa Brigada Eskwela na inilunsad sa Tappo Elementary School, Tappo, Pinukpuk, Kalinga noong Abril 10.
“Layunin nito na maipabatid sa mga kabataan ang kahalagahan ng pag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemya. Malaki rin ang naging pasasalamat ni Jonalyn Guitering, Brigada Coordinator sa tulong ng mga kasundaluhan at bagamat tumutugon din sa paglaban sa pandemya ang kasundaluhan, hindi sila nagdalawang isip na makipagtulungan sa kanilang aktibidad,” ayon pa kay Dulawan.
Alinsunod naman sa kagustuhang tuluy-tuloy na katahimikan at pag-unlad sa lalawigan ng Isabela, pinangunahan ni BGen Danilo Benavidez PA, Brigade Commander ng 502nd Infantry Brigade ang pagpupulong ng Peace, Law Enforcement, and Development Support (PLEDS) Cluster ng Provincial Task Force- ELCAC kasama ang 86th at 95th Infantry Battalion, Isabela Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion 02, Philippine Coast Guard, at National Bureau of Investigation-Isabela noong Abril 14.
Bukod dito, dahil sa mga ikinasang Community Support Program ng 86IB kasama ang iba’tibang ahensya ng pamahalaan sa Barangay San Francisco Sur, San Guillermo, Isabela, namulat ang mga residente sa panlilinlang ng CPP-NPA-NDF.
Noong Abril 10, tinuligsa nila ang mga karahasan at pang-aabuso ng mga teroristang grupo sa pamamagitan ng kanilang isinagawang Indignation Rally. Idineklara namang Persona Non Grata ng Palanan, Isabela ang mga rebeldeng NPA sa kanilang bayan sa bisa ng isang resolusyon noong Pebrero 22, na pinagtibay naman ng mga mamamayan noong Abril 14 sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa hanay ng kasundaluhan.
Nagkaisa ang mga lokal na lider at ang mga residente ng naturang bayan na protektahan ang kanilang mamamayan laban sa banta ng rebeldeng grupo at kanila ring siniguro ang kanilang kooperasyon at pakikipagtulungan sa hanay ng 95IB upang wakasan ang insurhensiya sa kanilang lugar.
Ikinagalak naman ni MGen Laurence Mina PA, Commander ng 5th ID ang naging pagkakaisa ng bawat mamamayan at pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan upang ipagtabuyan ang mga rebeldeng CPP-NPA sa kani-kanilang mga lugar. Aniya, malaking bagay ito para sa tagumpay ng kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya partikular na sa Lambak ng Cagayan at Rehiyong Cordillera.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon