“Yung LC lang di ko natutukan kasi panay ang Carry nung mga kasama ko… di maka carry”.

Opinion

Nabuking ang mahigit kumulang na P50M ang nakulimbat ng mga kawatan sa Baguio City public market sa imbestigasyong pinamunuan ni Mayor Benjamin Magalong. Ito’y mula sa taong 2020 pa lamang.

Ang siste? Halimbawang ang siningil ng mga collector ng “kwartais” (arrival fees) sa mga merchant ay P4,000 ngunit ang naka-reflect sa duplicate copy ng resibo na isusumite sa Baguio City Treasury ay P70 lamang. Sa bulsa na kung kanino napupunta ang P3,930.00.

Kung susumahin, sa daang-daang merchants ang “nabibiktima” at nagpapabiktima sa korapsyong ito sa Baguio City public market araw-araw at kung ilang taon nang nangyayari itong kababalaghang ito sa merkado publiko ng siyudad, ilang bilyon na kaya ang nakulimbat mula sa kaban ng siyudad? Sa ilang dekadang pangungulimbat na ito, nakapagpatayo na sana ang siyudad ng Baguio ng maayos
at malinis na merkado publiko at hindi na kinakailangang isapribado pa ang development nito.

Kaya’t nagbubunyi ang mamamayan ng Baguio City na inumpisahan nang kasuhan ang mga tiwaling empleyado pati mga retirado na, upang panagutin sa kawalang-hiyaan nila. Lima na ang nasasakdal sa kasong malversation through falsification of public documents and falsification by public official dahil sa padding ng mga resibo mula sa ‘kwartais’. Una nang kinasuhan ang iba pa at apat pa umanong collector ng City Treasurer’s Office ang haharap sa parehas na asunto.

Maraming mga tinamaan sa korapsyong ito. Tama lamang na pati mga retirado na nasangkot ay pananagutin! Ngunit sa kabila ng pagbubunyi, may mga nagsusumbong na bakit hindi pati mga tauhan mismo ni Mayor Magalong na sangkot din sa mga katiwalian ay imbestigahan din? May mga nababanggit na may mag-asawa, magkapatid, isang sigang opisyal, at iba pang diumanong gumagamit sa pangalan ni Mayor Magalong upang makapagkulimbat din ng kamal-kamal na salapi para sa sarili.

Isabay na Mayor Magalong sir ang imbestigasyon sa mga nasasangkot sa katiwalian na nasa paligid mo, sa susunod pang pagsusuri sa sub leasing sa stalls sa public market na iligal ayon sa Baguio City Tax Ordinance!