1 patay, 1 sugatan sa van na nabagsakan ng bato sa Mt. Province

BONTOC, MOUNTAIN PROVINCE – Hindi nakaligtas sa kamatayan ang isang guro sa elementarya habang ang katrabaho nito ay sugatan matapos na nabagsakan ng mga bato ang sinasakyan ng mga ito na van sa Sitio Pinap-ayew, Barangay Guina-ang, Bontoc, Mountain Province, umaga ng Hulyo 18, 2018.
Nakilala ang nasawi na si Luisa F. Pelew, 55 anyos, guro ng Guina-ang Elementary School at residente ng Poblacion, Bontoc, Mountain Province. Ang nasugatang katrabaho nito ay si Frauline P. Magwa, 29 anyos, at residente ng Barangay Bontoc Ili, Bontoc.
Ang blue-green van na may plakang XAM 511 ay minamaneho at pag-aari ni dating Bontoc Councilor John Tay-og Pelew, 59 anyos, na ihahatid sana ang asawa at katrabaho nito sa pinapasukang paaralan nang naganap ang insidente.
Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Johanna F. Padaen, dakong 6:45am nang nakatanggap sila ng tawag tungkol sa insidente mula kay PSI Faith Ayan Igualdo, hepe ng Bontoc Municipal Police Station (MPS).
Agad na nakipag-ugnayan ang MDRRMO sa Bontoc Emergency Response Team (BERT) at Bontoc General Hospital.
Inilabas ng mga rumespondeng grupo ang mga pasahero mula sa van at dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival si Luisa. Nagpapagaling mula sa tinamong pinsala si Magwa habang ang driver ay walang natamong sugat sa katawan. A.L.KILLA, BONTOC LGU

Amianan Balita Ngayon