100% CADAC PERFORMANCE, NAKAMIT NG BAGUIO CITY

BAGUIO CITY

Nakamit ng siyudad ng Baguio ang 100 porsiyentong rating mula sa functional performance ng City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) matapos ang 2023 audit na isinagawa ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Ito ang ipinaabot ni DILG City Director Millicent Cariño sa mga miyembro ng CADAC sa huling quarter meeting ng konseho noong Biyernes. Nob. 15, 2024. Binati ni Cariño ang lungsod para sa isang stellar performance; gayunpaman, sinabi niya na ang pambansang pagkilala para sa Highly Functional ADAC ay ibinigay sa Ormoc City.

Para sa 128 Barangay ADAC, pinahusay ng lungsod ang katayuan nito mula sa walong barangay na may mababang performance noong 2022 hanggang apat na mababang functionality noong 2023. Ang mga barangay na may mababang ADAC functionality ay ang Upper Magsaysay, Rizal Monument Area, A. Bonifacio Caguioa-Rimando (ABCR), at Kayang-Hilltop. Nabatid na ang mga barangay na ito ay hindi kabilang sa walong low performing villages sa 2022 assessment.

Ang mga ADAC ay itinatag upang matiyak ang patuloy na pagpapabuti ng pagganap sa pagpapatupad, pagsubaybay, at pagsusuri ng mga aktibidad laban sa ilegal na droga gamit ang isang 10-point key indicator rating system. Ang taunang pagtatasa ng performance ng ADAC ay naaayon sa mga prayoridad ng pambansang pamahalaan na ipagpatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga sa loob ng saklaw ng batas at may kinalaman sa karapatang pantao. Patuloy na hinihikayat ng mga field office ng DILG ang lahat ng barangay na pasiglahin at palakasin ang mga kapasidad ng kani-kanilang BADACs at tiyakin ang functionality at effectiveness nito.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon