12 KASO NG SUNOG, NAITALA SA BENGUET

LA TRINIDAD, Benguet

Nakapagtala ang Bureau of Fire Protection (BFP) – Benguet ng 12 kaso ng sunog ngayong Marso, kasabay ng kampanya para sa Fire
Prevention Month. Ayon kay Fire Senior Inspector Jesus D. Yango, Provincial Director ng BFP Benguet, hanggang Marso 25, 2025, may walong kaso ng non-structural fire at apat na structural fire ang kanilang naitala. Mula Enero 1 hanggang Marso 25, 2025, umabot sa 29
ang kabuuang kaso ng sunog sa Benguet—12 dito ay non-structural, habang 17 naman ang structural fire. Bumaba ng halos 75% ang
bilang ng sunog ngayong taon kumpara sa parehong panahon noong 2024, kung kailan umabot ito sa 114 kaso.

Ayon kay Yango, mas maraming forest fire noong nakaraang taon dahil sa matinding init at ngayon na nararamdaman din ang matinding init ay bumaba ito dahil sa pag-biglang pag-ulan. Aniya, ang madalas na sanhi ng sunog ay open flame, kabilang na rito ang kaingin, mga depektibong electrical wire, at kapabayaan sa pagluluto. Patuloy namang nagsasagawa ng information drive ang BFP Benguet upang ipaalala sa publiko ang tamang pag-iingat laban sa sunog. Pinaalalahanan din nila ang publiko na laging i-check ang electrical wiring, huwag mag-iwan ng nakasinding kandila, at iwasan ang pagsisiga malapit sa kabahayan. Dagdag pa rito, ipinapaalala ng BFP na hindi lang sa Fire Prevention Month dapat maging maingat kundi sa buong taon upang maiwasan ang sunog at mapanatili ang kaligtasan.

Jobinthod Ampal/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon