CORDILLERA ADMINISTRATIVE REGION
Naitala ang 1,290 kabuuang kaso ng Human immunodeficiency virus (HIV) sa Cordillera simula noong 1984 hanggang sa kasalukuyan.
Inilahad ito Darwin Babon, Development Management Officer III ng Center for Health Development – Cordillera Administrative Region (DOH-CHD-CAR), sa ginanap na Kapihan Health Media Conference, kaugnay sa paggunita sa 42nd International AIDS Candlelight Memorial, na ginanap sa tanggapan ng Department of Health – Cordillera Administrative Region, noong Mayo 8. Layunin ng departamento na talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng HIV cases sa rehiyon at mga hakbang na isinusulong upang mapabuti ang HIV care cascade sa mga probinsya ng Cordillera.
Ayon kay Babon, mula sa kabuuang kaso sa rehiyon ay ang Baguio City ang may pinakamaraming kaso na 731 (56.6%), kasunod ang Benguet (189) at Abra (182). Para sa taong 2025, tinatayang aabot sa 2,400 ang bilang ng mga taong may HIV (PLHIV) sa rehiyon, subalit, 1,164 pa rito ang hindi pa natutukoy o na-diagnose. Sa mga kumpirmadong kaso, 1,236 ang na-diagnose (52%), pero 888 lamang ang aktibong naka-enroll sa gamutan (72% ng diagnosed), at 552 sa kanila ang virally suppressed (62%). Lumabas sa datos na malaking porsyento ng mga bagong kaso ng HIV ay kabilang sa kabataan at young adults.
Ayon sa datos, 48.29% ng mga kaso ay mula sa edad 25- 34, habang 28.92% naman ay mula sa edad 15-24. Katumbas nito, tatlo sa bawat sampung kaso ay kabataan na may edad 15-24, habang isa sa dalawang kaso ay kabilang sa age group na 25- 34. Ang median age ng mga HIV cases sa rehiyon ay 28 taong gulang. Sa nakalipas na dalawang buwan ng 2025, walong kaso ang naitala mula sa age group na 15-24, patunay na patuloy na nanganganib ang sektor ng kabataan sa paglaganap ng sakit. Lumabas rin na kalalakihan pa rin ang mayorya ng kaso ng HIV sa rehiyon, na may 1,198 cases (92.85%) kumpara sa 92 cases (7.15%) sa kababaihan at karamihan sa mga kasong ito ay
mula sa mga biological male na nakikipagtalik sa kapwa lalaki at transgender women.
Binigyang-diin din sa Kapihan ang stigma at discrimination na patuloy na nararanasan ng mga PLHIV. Ayon kay Babon, mahalagang itaguyod ang komprehensibong edukasyon, gender sensitivity, at confidentiality upang mahikayat ang mas maraming tao na magpa-test at magpagamot. Nanawagan ang DOH-CAR sa publiko na makiisa sa mga isasagawang aktibidad ngayong buwan bilang bahagi ng AIDS Candlelight Memorial, bilang pagkilala sa mga nawalang buhay at pagpapatuloy ng laban kontra HIV.
Janieca Edejer/UB-Intern
May 11, 2025
May 11, 2025
May 11, 2025