15 OFW NA BIKTIMA NG ‘BALIKBAYAN BOX’ SCAM TUMANGGAP NG CASH AID MULA DMW

MALASIQUI, Pangasinan

Ang Department of Migrant Workers (DMW) ay nagbigay ng tulong pinansiyal sa 15 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Ilocos Region na naging biktima ng “balikbayan box” scam. Sa isang panayam noong Miyerkoles, sinabi ni DMW 1 (Ilocos Region) officer-incharge Assistant Director Romeo Jaramilla na bawat isa sa mga OFW ay nakatanggap ng PhP30,000 tulong pinansiyal mula sa Aksyon Fund ng ahensiya. “Nakalista sila bilang mga nawalan ng Balikbayan boxes ayon sa listahan na ibinigay ng Bureau of Customs,” aniya.
Kinontak sila ng DMW at prinoseso ang mga kinakailangang dokumento upang makuha nila ang pinansiyal na tulong, dagdag niya.

Sinabi ni Jaramilla na ang ibang mga OFW na mayroong parehong problema sa kanilang balikbayan boes ay maaaring mag-report sa kanilang opisina ngunit kailangan mai-refer sila sa main office para sa beripikasyon kung sila ay karapat-dapat para sa tulong. “Nai-refer naming ang tatlong OFW na sinabing hindi dumating ang kanilang mga boxes sa destinasyon nito,” aniya. Idinagdag niya na iniimbestigahan pa nila ang kinaroroonan ng mga boxes. Sinisuguro ng Aksyon Fund ng DMW ang komprehensibong suporta sa pamamagitan ng legal representation, repatriation, medical care at tulong sa panahon ng krisis sa trabaho, at iba pang mga serbisyo.

(HA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon