BAGUIO CITY
Mas pinalawak at mas pinatibay ang Montañosa Film Festival (MFF) ngayong taon sa paglulunsad ng kauna-unahang Cinema Open Film Competition. Sa ikalimang anibersaryo ng festival, mahigit 230 na kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang magpapakita ng kanilang husay sa paglikha ng pelikula. Kasabay ng pagsisimula ng festival ngayong Marso 26-30, 2025, ipinagmamalaki ng MFF ang apat na kategorya ng kompetisyon: Narrative, Mobile, Documentary, at Experimental. Bawat isa ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga baguhan at batikang filmmaker na ipakita ang kanilang malikhaing pananaw sa mas malawak na entablado.
Ayon kay Ferdinand Balanag, MFF Director, layunin ng festival na palakasin ang boses ng mga Pilipinong manlilikha ng pelikula. “Ang pelikula ay parang alon ng tubig, patuloy na lumalawak, bumabago ng pananaw, at nagdadala ng inspirasyon,” ani Balanag. “Ngayong taon, ang MFF ay isang pagdiriwang ng sining ng pagsasalaysay, isang paanyaya upang pakinggan ang iba’t ibang tinig ng ating kultura.” Bilang bahagi ng pagpapalawak ng festival, inilunsad din ang Animation Festival katuwang ang Cordillera School of Digital Arts (CSDA).
Ito ay magsisilbing entablado para sa mga animator ng rehiyon upang maipakita ang kanilang natatanging talento sa digital arts. Isa pang tampok sa MFF 2025 ay ang SineMusiKain, isang buwang selebrasyon ng pelikula, musika, at pagkain. Magkakaroon ng libreng film screenings, live concerts, at food festival na magbibigay-kulay at buhay sa kultura ng Baguio at ng buong Cordillera. Sa loob ng limang taon, 58 lokal na pelikula na ang naproduce sa ilalim ng MFF, ilan sa mga ito ay kinilala sa pandaigdigang antas. Isa sa mga nagtagumpay ay si Jonathan Jurilla, na nagwagi sa Narrative Film Competition noong 2023 at Documentary Film Competition noong 2024.
Ang kanyang pelikulang “Love Child”, na mula sa dokumentaryong “My Boy Superman”, ay naging finalist sa Cinemalaya at kabilang sa top 10 na pinakapinapanood na pelikula sa Netflix Philippines nang higit isang buwan. Isa pang kinikilalang filmmaker mula sa MFF ay si Julius Lumiqued, na nagbigay-buhay sa klasikong kwento ni Amador Daguio sa kanyang pelikulang “The Wedding Dance”. Ito ay lumahok sa Cinemalaya at nagbigay-liwanag sa kultura ng kasal sa Cordillera. Bukod sa pagbibigay-pugay sa mga alagad ng sining, ang MFF ay nagsilbi ring plataporma para sa mga kabataang nais matuto ng sining ng pelikula.
Patuloy din ang pagsasagawa ng mga film talks, screenings, at workshops upang hubugin ang susunod na henerasyon ng mga filmmaker. Ang opisyal na pagbubukas ng MFF 2025 ay gaganapin sa SM City Baguio sa March 26, kasunod ng Cinema Open Film Premiere at Exclusive Screenings sa SM Cinemas mula March 27-28. Isang espesyal na bahagi naman ng festival ang International Film Festival Launch sa March 27, kung saan tampok ang world premiere screenings ng “Riki Rhino”, “Woman From Rote Island”, at “Wayang: Shadow of the Night” mula sa Embassy of Indonesia.
Sa pagtatapos ng festival sa March 30, gaganapin ang Awarding Ceremony kung saan kikilalanin ang pinakamahusay na mga pelikula sa ilalim ng iba’t ibang kategorya. Kasabay nito ang taunang Folk Music Festival sa Rose Garden, na magpapakita ng koneksyon ng pelikula at musika sa kultura ng Cordillera. Naniniwala si Balanag na malaki ang papel ng MFF sa pagtataguyod ng film tourism sa Cordillera. “Layunin naming ipakita ang likas na ganda ng rehiyon sa pamamagitan ng pelikula, habang binibigyan ng pagkakataon ang ating mga lokal na manlilikha na ipakilala ang kanilang sining sa mundo.”
Naniniwala si Balanag na malaki ang papel ng MFF sa pagtataguyod ng film tourism sa Cordillera. “Layunin naming ipakita ang likas na ganda ng rehiyon sa pamamagitan ng pelikula, habang binibigyan ng pagkakataon ang ating mga lokal na manlilikha na ipakilala ang kanilang sining sa mundo.” Bilang bahagi rin ng UNESCO Creative Cities Network, patuloy na pinapatunayan ng Baguio na ito ay isang sentro ng malikhaing sining. Sa pamamagitan ng MFF, patuloy na binibigyang-buhay ang sining ng pelikula, pinalalakas ang kulturang Pilipino, at ipinapakita sa mundo ang lalim at lawak ng kwentong Cordilleran.
By: Jude Marc Biccay UB Intern
March 16, 2025
April 26, 2025
March 31, 2025
March 18, 2025