2 katao patay sa habagat -Benguet police

LA TRINIDAD, BENGUET – Dalawang tao ang namatay habang dalawa pa ang pinaghahanap, maliban pa sa mga nasirang ari-arian at hindi madaanang mga kalsada sa lalawigan ng Benguet dahil sa mga pag-ulan na may kasamang hangin dulot ng nagpapatuloy na habagat.
Ito ang inulat ng Benguet provincial police sa pangunguna ni Provincial Director PSSupt. Lyndon A. Mencio at iba pang mga hepe ng 13 munisipalidad ng Benguet sa lagay ng kanilang nasasakupang lugar sa isang press conference sa Camp Bado Dangwa noong Agosto 15.
Ayon kay Mencio, ang munisipalidad ng Tuba ang pinakaapektado ng masamang lagay ng panahon batay sa bilang ng casualties na naireport.
Aniya, may naireport na namatay sa pagkalunod sa Tuba noong kasagsagan ng bagyo. Kinilala itong si Kristel Marlyn, 19 anyos, at natagpuan ang katawan sa Badiwan River.
Sinabi ni Mencio na kabilang din sa mga namatay ang driver ng elf truck na magde-deliver sana ng gulay sa Baguio na nahulog sa Km.58 Katubo, Atok na kinilalang si Rodrigo Navalta Maon.
Dalawa pang naireport na nawawala at kasalukuyan pa ring hinahanap, dagdag nito.
May ilan ding kabahayan ang nasira sa bagyo. Ayon sa report may dalawang bahay ang nasira sa Kibungan, isa sa Takaktak, Kibungan, at lima sa Sayangan, Atok. Bunsod ng malakas na ulan at hangin ay ilang pamilya ang lumikas at kasalukuyang nasa evacuation center para sa kanilang kaligtasan.
Para naman sa lagay ng mga kalsada, sarado pa rin ang kalsada papunta sa Bakun, sarado din ang kalsada papunta sa Kabayan at Tinok, one-way naman ang daan mula Baguio papunta sa Kabayan at tanging mga magagaang sasakyan lamang ang maaaring dumaan. Sarado rin ang daan mula Kabayan papunta sa Buguias. Maaari nang dumaan mula Acop papunta sa Lomon, Kapangan at tanging magagaang sasakyan lamang ang maaaring dumaan magmula sa Tugawa papunta sa Kibungan, at maaayos ang daan papunta sa Mankayan.
Pinaalalahan naman ni Mencio ang lahat na manatili na lamang sa kani-kanilang tahanan ngayong masama ang panahon at huwag munang bumiyahe para na rin sa kanilang kaligtasan. KHRISTELLE F. JOCSON, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon