BAGUIO CITY – Tatlong barangay chairman, isang kagawad at 41 pang katao ang nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 na kilala sa illegal gambling, matapos masakote habang nagsusugal ng “dado” o dice sa isang cockpit arena na pag-aari ng isang Mayor sa Barangay Ubbog- Lipcan, Bangued, Abra.
Sa report ng Bangued Municipal Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon sa nagaganap na illegal gambling sa lugar, kaya agad nagsagawa ng operasyon ang pulisya sa pangunguna ni Police Major Lory Tarrazona, kasama ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch ng Abra Provincial Police Office, PDEU, Regional Intelligence Division at RMFB 15.
Hindi nakapalag ang mga manlalaro ng “dado” nang mapalibutan sila ng pulisya, dakong alas 5:00 ng hapon noong Martes, Hulyo 30. Nakilala ang tatlong Barangay Chairman na sina Amado Briones Acosta, 58, ng Zone 2, Bangued, Abra; Alberto Barras Bigornia, 52,ng Zone 7, Bangued, Abra; at Rodel Utlang Gavanes, 44, ng Barangay Cabcaburao, San Juan, Abra at ang Barangay Kagawad na si Mark Viernes Bandayrel, 27, ng Zone 5, Bangued, Abra.
Napag-alaman na sina Zone 2 barangay Chairman Acosta at Carmelo Briones Acosta, 63, ng Zone 7, ay kapatid ni Bangued Vice Mayor Mila Acosta-Valera.
Nakumpiska ng pulisya ang P14,650.00 cash bet, dice, table, chips, clay pot cover at iba pang gambling paraphernalia. Ang 45 na nahuli ay agad dinala sa Bangued MPS para sa documentation at pagsasampa ng kaukulang kaso.
“Maging babala sana ito sa mga mahilig sa illegal na sugal, lalo na sa mga nasangkot na public officials, dahil posible silang matanggal sa serbisyo,” pahayag naman ni Police Regional Office regional director Israel Ephraim Dickson.
Binalaan din nito ang kapulisan na mahilig sa sugal, dahil mahigpit ang kampanya ng PROCOR laban sa illegal gambling sa rehiyon.
Zaldy Comanda/ABN
August 5, 2019
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025