3 MINOR NA BIKTIMA NG RAPE TINULUNGAN NI YAP NA MABIGYAN NG HUSTISYA

LA TRINIDAD, Benguet – Mabibigyan na ng katarungan ang pangaabuso sa tatlong magkakapatid na menor de edad na tinulungan ni Benguet Caretaker Eric Yap sa pamamagitan ng legal assistance sa mga biktima hanggang sa madakip ang suspek ng mga tauhan ng La Trinidad Municipal Police Station at Criminal Investigation and Detection Group,noong Biyernes, Abril 29.
Matatandaan noong Pebrero 2022 ay dumulog sa tanggapan ni Yap ang ina ng mga biktima para humingi ng legal assistance para mabigyan ng hustisya ang pang-aabuso ng suspek na kanilang kapitbahay.
Agad na tinugunan ito ni Yap at nagpahayag ng pagka-dismaya sa suspek sa ginawa nitong pang-aabuso sa mga biktima na walang kakayahang makapag-sampa ng reklamo.
Nakipag-ugnayan si Yap sa Benguet Provincial Police Office para sa mabilis na proseso sa pagsasampa ng kaso, hanggang maglabas ng warrant of arrest si Judge Marietta Brawner Cualing, ng Branch 9, Regional Trial Court,First Judicial Region, La Trinidad, Benguet.
Hindi pinabanggit ni Col.Reynaldo Pasiwen, provincial director ng Benguet Provincial Police Office, ang pangalan ng suspek para sa proteksyon ng tatlong biktima na kapitbahay nito.
Sa imbestigasyon, habang wala ang mga magulang ng biktima sa kanilang bahay, ay nagsimulang abusuhin ng suspek ang unang biktima na 7 taong gulang noong 2014.
Noong 2017, inabuso naman ng suspek ang ikalawang biktima na 10 taon gulang. Ipinagpatuloy ng suspek ang pang aabuso sa parehong biktima hanggang sa taong 2018.
Noong Nobyembre 23,2021, sinimulan naman ng suspek ang pang-aabusong sekswal sa ikatlong biktima na 11 taon gulang.
Ayon kay Pasiwen, ang lahat ng insidente sa iba’t ibang pagkakataon ay ginamit ng suspek ang kanyang pera at cellphone para suhulan ang mga inosenteng biktima.
Naulit ang pinakahuling insidente noong Pebrero 15, 2022 at matapos nito ay nagsumbong na ang mga biktima sa kanilang ina, na agad humingi ng tulong kay Benguet Caretaker Eric Yap.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon