300 BIKTIMA NG SUNOG, NAKAKUHA NG CALAMITY ASSISTANCE MULA SA MGA CAYETANO

“Magsisilbing panimula po ito sa mga residenteng nasunugan. Magagamit nila ito upang makapagpatayo ng munting bahay at negosyo.” Ito ang makabagbagdamdaming mensahe ni Pasay City Barangay Kagawad Edward Nacional kina Senador Alan Peter at Pia Cayetano dahil sa pagsasagawa ng kanilang opisina ng isang calamity assistance drive para sa 47 residenteng nasunugan sa Malibay sa lungsod ng Pasay noong March 8, 2024. “Salamat po sa ating mga
magigiting na senador,” wika ni Nacional sa ngalan ng apektadong komunidad habang isinasagawa ang assistance
drive nitong Miyerkules, April 3, sa Malibay Plaza.

Isa sa mga biktima ng sunog ang pamilya nina Marites Villa. Ibinahagi niya ang nakatatakot na eksena nang sumiklab ang apoy bandang alas otso ng gabi noong March 8, 2024. “Maghahakot sana kami ng gamit kaso sumalubong na sa amin ang ubod na kapal ng usok. Kaya sabi ko sa asawa ko, huwag na kami maghakot, mga
papeles na importante na lang. Ang mga gamit madali pa mabili, pero ang buhay natin hindi maibabalik,” kwento ni
Villa. Ito aniya ang dahilan kung bakit malaki ang pasasalamat niya sa pagtulong ng magkapatid na Cayetano sa
kanila at iba pang biktima ng sunog.

“Salamat po dahil may mabibili kaming gamit sa ibinigay ng mga Cayetano,” wika niya. Noong Abril 3 naman, 48
residente ng Marikina City na biktima rin ng sunog noong Pebrero 18, 2024 ang nakatanggap ng calamity assistance mula sa mga senador. Sinabi ni Antonio Reyes, isa sa mga nasunugang residente, na bago mag-alas otso ng umaga sumiklab ang sunog kung kaya’t karamihan sa mga pamilya ay nasa labas ng kanilang mga tahanan para sa paaralan o trabaho. “Kaya walang natira, as in ubos ang mga gamit,” mangiyak-ngiyak na ikinuwento ni Reyes habang
isinasagawa ang assistance drive sa Twinville Civic Center sa Marikina City.

“Sa ngayon pinipilit namin tanggapin. At least walang nasaktan sa pamilya at mapapalitan ang gamit kahit papaano.” Kahit mahirap tanggapin ang sitwasyon, sabi niya na nagtitiwala siya sa Panginoon na bibigyan siya at ang
kanyang pamilya ng lakas na malapagpasan itong trahedya. “Sa ating Panginoon tayo humuhugot ng lakas para
matuloy ang pamumuhay kasi magulo pa isip namin. Nakakawindang. Pero kakayanin po. Hindi naman pwede huminto, tuloy pa rin,” ibinahagi ni Reyes. Dagdag pa niya na ang tulong na natanggap niya mula sa mga senador ay
makakatulong sa kanilang pamilyang magsimula muli.

“Idadagdag [ko ito sa pambili] kung ano ang pangangailangan sa bahay. Nagpapasalamat po kami kila Senador Alan at Pia Cayetano. Sampu ng aming mga magkakapitbahay, maraming salamat po sa blessing na ipinagkaloob ngayong araw na ito,” aniya. Sa sumunod na araw, April 4, bumisita naman ang team ng mga Cayetano sa Parañaque City kung saan tinulungan din nila ang 205 resident na naapektuhan ng sunog noong February 28 sa Barangay San Isidro.

Matagumpay na isinagawa ang mga drive na ito sa tulong at koordinasyon nina Pasay Barangay Kagawad Gemma Conde, Kagawad Edward Nacional, dating Marikina Barangay Captain Ziffred Ancheta, Kagawad Jimmy Ancheta, Kagawad Khel Nuñez at SK Chairman CJ Ancheta, at Paranaque Barangay Captain Noel Japlos. Bahagi ang assistance drives na ito ng Emergency Response Program ng mga Cayetano upang magbigay ng tulong pantawid at pang-ahon sa mga apektadong Pilipino na mga biktima ng sunog, lindol, bagyo, aksidente, at iba pang kalunos-lunos na insidente.

Amianan Balita Ngayon