31 NA DRUG PUSHERS TINUTUGIS SA BAGUIO

BAGUIO CITY – Tatlungpu’t isang drug personalities na kabilang sa regional at city high value drug personalities ang kasalukuyang nasa manhunt operation ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement
Agency na pinaniniwalaang nagtatago sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Baguio. Sinabi ni Col. Francisco Bulwayan, city director ng Baguio City Police Office (BCPO) na 5 sa 10 regional high value drug personalities ang nagpapatuloy sa kanilang illegal drug trade sa lungsod kaya inalerto niya ang kanyang
kapulisan na magsagawa ng malawakang operasyon para ma-neutralize ang kanilang aktibidad sa ilegal na droga.

Ayon kay Bulwayan, pito sa mga drug personality na nakalista sa ilalim ng watchlist ng PDEA ay naroroon din sa ilang barangay na apektado ng droga bukod pa sa 6 na city high value target at ilang street level
drug personalities. Aniya, walang humpay na anti-drug operations ang isinasagawa laban sa regional,
city at street level drug personalities bilang bahagi ng supply and demand reduction campaign ng pulisya.

Sa 128 barangay ng lungsod, 11 lamang ang sumasailalim sa drug clearing dahil sa pagkakaroon ng mga
drug personalities na nagooperate sa mga lugar na ito. Natukoy ng police official na sa 11 barangay na apektado ng droga, 7 na ang naisumite na para sa drug clearing habang 4 na barangay ang sumasailalim pa sa validation. Gayunpaman, 2 barangay ang nabigo sa nasabing validation dahil sa patuloy na
presensya ng mga drug personalities sa kanilang komunidad.

Sa pagsisimula ng agresibong anti-drug operations noong 2016, may 113 drug affected barangays sa lungsod habang mayroon lamang 4 na barangay na hindi naapektuhan ng droga sa pagsisimula ng
kampanya. Bukod dito, may 2,554 na drug surrenderees na nagpasyang bumalik sa batas noong panahong iyon.

Sinabi ni Bulwayan na sa nasabing bilang ng mga drug surrenderees, 718 ang sumailalim sa kinakailangang 6-month community-based rehabilitation program, 253 ngayon ang sumasailalim sa parehong programa habang 64 ang nagdrop out dahil sa umano’y relapse, bukod sa iba pang dahilan.
Tiniyak niya na mahigpit na binabantayan ng mga tauhan ng pulisya at anti-narcotics agents ang mga aktibidad ng mga natitirang drug surrenderees na lumabas ng lungsod o kaya ay nasa kanilang barangay upang pigilan ang mga ito na bumalik sa kanilang illegal drug trade.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon