37 PAMILYA, NAWALAN NG TIRAHAN SA PAGPASOK NG BAGONG TAON

TUBA, Benguet

Naging malungkot sa 37 pamilya ang tradisyunal na pagsalubong sa Bagong Taon, matapos tupukin ng apoy ang
may 24 kabahayan sa may Riverside Compound, Barangay Camp 6, Tuba, Benguet, madaling araw ng Enero 1.
Lumalabas sa inisyal na ulat na hindi bababa sa 37 pamilya, na kinabibilangan ng 155 indibidwal ang naapektuhan ng sunog na naganap pasado ala-1:00 ng madaling araw, matapos ang pagsalubong ng Bagong Taon 2025.

Kinaumagahan, agad nakipagpulong si Baguio City Mayor Benjamin Magalong, bilang chairperson ng Metropolitan Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-Tuba Tublay Development Authority (MBLISTTDA), sa Tuba Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council na pinamumunuan ni Mayor Clarita Sal-ongan. Nakipagpulong din si
Magalong sa 36 na pamilyang naapektuhan para sa agarang tulong na inihahanda ng Baguio City Disaster Risk
Reduction and Management Office para sa mga nasunugan.

Labis na pinasalamatan din ni Magalong ang Baguio City Fire Station sa pagiging first responders, water deliveries at
mga local disaster-response teams sa kanilang mabilis na tulong sa Tuba Fire Station sa pag-apula ng sunog. Ang mga nawalan ng tirahan ay pansamantalang dinala sa Camp 6 Elementary School, at Barangay Camp 4 Multi-purpose Hall, habang inaalam pa ang ang sanhi ng sunog at lawak ng pinsala. Ang mga nais na tumulong ay pwedeng magtungo sa Camp 6 Jeepney terminal/staging area sa Baguio City, kung saan sila ay dadalhin sa mga apektadong pamilya sa Camp 6.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon