4 patay sa dengue sa Cordillera

Umabot na sa apat na katao ang nawalan ng buhay dahil sa dengue, ito ang pahayag ni Geeny Austria, nurse ng DOH-Regional Epidemiology Surveillance Unit, ukol sa pagtaas ng dengue cases dito sa Cordillera Administrative Region. Tatlo sa namatay ang tubong Cordillera at isa naman ang dayo.
Mas lalong binabantayan ngayon ang pagtaas ng kaso ng dengue dito sa Cordillera dahil sa umabot na sa 120 porsyentong pagtaas ng kaso ng nasabing sakit ang naitala ng Department of Health-CAR mula pa lamang noong buwan ng Enero 2018.
Ayon sa datos na inilahad ng RESU, umabot na sa 1,540 na kaso ang naitala sa rehiyon sa nakalipas na anim na buwan, doble ito kung ikukumpara sa nakalipas na taon na mayroon lamang 700 kaso sa loob din ng nabanggit na mga buwan.
Lumalabas sa datos na sa lahat ng probinsiya na bumubuo sa CAR, probinsiya ng Kalinga ang may pinakamataas sa 333 na kaso o 21.6 porsyento ng kabuuan; sumunod ang Benguet na mayroong 332 kaso o 21.6 porsyento; pumapangatlo naman ang Apayao na mayroong 240 kaso o 15.6 porsyento; sumunod ang Baguio City na mayroong 165 na kaso o 10.7 porsyento; Abra na mayroong 154 cases o 10 porsyento; pang-anim ang Ifugao na may 47 kaso o 3.1 porsyento; at Mountain Province ang pinakamababa na umaabot lamang sa 41 o 2.7 posyento.
Samantala, binubuo naman ng mga ibang pasyente mula sa ibang mga lugar sa labas ng CAR ang 14.8 na porsyento sa kabuuan o may katumbas na 228 na bilang ng kaso ng dengue.
Sinabi ni Austria na kailangan ng pag-iingat upang mapigilan ang mabilis na pagtaas ng bilang ng kaso ng nasabing sakit lalo na ngayong tag-ulan kung saan talamak ang pagdami ng mga lamok na may hatid na dengue.
Pinaalalahanan niya ang mga tao na kailangang panatilihing malinis ang kapaligiran lalo na ang mga tahanan upang maiwasan ang dengue.
Aniya, kailangang itapon at linisin ang mga pwedeng pamahayan ng mga lamok. Dagdag pa niya na may posibilidad pa na mas lalong dadami pa kaso ng dengue sa Cordillera sa mga susunod pang buwan. ROMELO DUPO III, UC INTERN / ABN

Amianan Balita Ngayon