CAMP BADO DANGWA, BENGUET – Apat na pulis at isang pugante ang namatay sa humigit-kumulang na limang minutong barilan noong umaga ng Pebrero 21, 2017 sa Malusong, Antonio Canao, Lubuagan, Kalinga.
Tatlo pang pulis ang sugatan sa naganap na engkwentro.
Sa ulat mula sa Police Regional Office-Cordillera, kinilala ang namatay na pulis na sina PO3 Cruzaldo Lawagan, PO1 Jovenal Manadao Aguinaldo, PO1 Charles Ryan Dongui-is Compas at PO1 Vincent Tay-od habang nasugatan sina PSI Eduardo Liclic, PO1 Ferdie Liwag at PO1 Ferdinand Asuncion.
Namatay din ang isa sa top most wanted person sa national level na kinilalang si Willy Sagasag ng Lubuagan, Kalinga. Ang suspek ay may patong sa ulo na P600,000 at wanted ng magkakaibang korte sa Cordillera at kalapit na lugar para sa iba’t ibang kaso ng pagpatay at pagnanakaw.
Si Sagasag ay matagal nang tinutugis ng mga pulis ngunit hindi nahuhuli hanggang nangyari ang engkwentro.
Ayon sa ulat ng PROCOR, ihahain sana ng mga pulis ng Kalinga PPO, Kalinga PPSC at 3rd MC, RPSB na pinangunahan ni Provincial Director PSSupt. Brent Madjaco ang warrant of arrest laban kay Sagasag at pitong hindi pa nakikilalang katao na inilabas ni Judge Milnar Lammawin ng RTC Branch 25, 2nd Judicial Region, Bulanao, Tabuk City, Kalinga para sa kasong multiple murder at frustrated murder.
Ngunit ang mga pulis ay sinalubong ng mga bala mula sa grupo ni Sagasag nang makorner ang mga ito at nagsimula ang barilan sa magkabilang grupo.
Sa clearing operations, natagpuan ng mga operatiba ang katawan ni Sagasag sa lugar ng engkwentro habang hindi mabilang na miyembro ng kanyang grupo ang nasugatan ngunit nagawang makatakas.
Ang mga sugatang pulis ay dinala sa malapit na ospital upang agarang mabigyan ng medikal na tulong. Ang personnel ng Regional Health Service ang nakaantabay sa kalagayan ng mga nasugatang operatiba. Ang mga kamag-anak ng mga namatay ay nasabihan na at nagbigay ang PROCOR ng initial cash assistance para sa agarang pagpapagamot sa mga nasugatan at para sa mga namatayang pamilya.
Ipinahatid ni PROCOR Regional Director Police Chief Superintendent Elmo Francis Oco Sarona ang kanyang dalamhati at simpatya sa mga pamilya ng mga namatay at kamag-anak ng mga nasugatan.
Inaalam pa ng PROCOR ang pagkakakilanlan sa mga kasama ni Sagasag.
Ang mga grupo ng imbestigador galing sa Regional Investigation and Detective Management ay pinadala upang tumulong sa Kalinga PPO sa imbestigasyon at ang posibleng pagkaso laban sa grupo ni Sagasag.
Nanawagan din si Sarona sa mga residente na makipagtulungan sa imbestigasyon at magbigay ng impormasyon tungkol sa iba pang suspek.
Narekober ng Kalinga Provincial Crime Laboratory Office at Kalinga Provincial Investigation and Detection Branch mula sa lugar ng krimen ang 36 piraso ng 5.56 mm cartridge cases habang isang M16, isang black rig, isang mahabang plastic magazine, tigatlong maliliit at mahahabang metal magazines, at 127 rounds ng live ammunition para sa M16 ang nakuha kay Sagasag. TFP with Sharmaine Florendo, UP Baguio / ABN
February 25, 2017
March 3, 2017
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024
November 30, 2024