LUNGSOD NG BAGUIO – Apat na sundalo ang namatay sa sagupaan bunsod ng tatlong pag-atake sa hanay ng mga rebelde noong Hulyo 15 at 16 sa Mountain Province at Abra.
Tinatayang apat na assault rifles, isang machine gun at isang grenade launcher ang tinangay ng mga rebelde, ayon kay Martin Montana, tagapagsalita ng Chadli Molintas Command, ang regional operational command ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) Ilocos-Cordillera Regional Party Committee.
Ang naturang pag-atake ng mga rebelde ay iniuugnay sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pres. Rodrigo Duterte.
Ani Montana, ito ang kanilang sagot sa nagpapatuloy na counter-insurgency operations ng militar at kapulisan sa nasabing mga lugar.
Noong nakaraang buwan, isang platoon ng Cordillera Regional Mobile Force at Mt. Province Provincial Mobile Force ang inambush sa Mt. Masini, Barangay Aguid, sa Sagada, Mountain Province kung saan napaslang ang isang pulis at nasugatan ang 10 pang pulis na kinabibilangan ng commanding officer na si Supt. Joseph Cayat.
Ayon kay Montana, lalo pang pinaigting ng militar ang kanilang mga operasyon sa 15 barangays sa magkakaibang lugar sa Cordillera mula noong Hunyo. Kinabibilangan ito ng operations ng 81st Infantry Batallion (IB) sa siyam na mga barangay sa Ilocos Sur, tatlo sa Mt. Province na sakop ng 54IB, at isa sa Ifugao sa pamamagitan ng 24IB.
Ang combat operations ng 50IB ay pinaigting din sa Kalinga kung saan ang militar ay tahasang nagtayo ng kampo sa gitna ng pamayanan, dagdag pa ni Montana.
Samantala ay hindi pa inilalabas ng Northern Luzon Command (Nolcom) ang pangalan ng mga nasawi sa labanan at inihayag na may mga napaslang din sa panig ng mga rebelde. Ngunit mariin naman itong pinasinungalingan ni Montana.
Bumuhos ang mas maraming tropa ng gobyerno sa tri-boundaries ng Mt. Province-Ilocos Sur-Abra matapos ang tatlong oras na labanan kontra sa mga komunistang rebelde hapon ng Hulyo 15.
Ayon kay Nolcom spokesperson Lieutenant Colonel Isagani Nato, mas maraming sundalo ang ipinasok sa battle area na tumutugis sa mga rebeldeng tumakas matapos ang sagupaan noong Hulyo 15 sa Sitio Dandanac, Barangay Tamboan, Besao.Ang lugar ay malapit sa Sitio Pananuman, Tubo, Abra at Barangay Patiakan, Quirino, Ilocos Sur.
Ang mga tropang mula sa 81IB ng Joint Task Force “Kaugnay” ay nagsasagawa ng combat operations bandang 2:50pm ng nasabing araw nang makasagupa nila ang hindi pa mabilang na rebeldeng NPA na pinaniniwalaang mga miyemro ng Kilusang Larangang Gerilya Ampis sa ilalim na pamumuno ng isang “Ka Digbay”.
Inamin ng militar na nawala ng tropa ng pamahalaan ang isang K3 squad automatic weapon, dalawang R4 rifles, isang M203 grenade launcher na nakakabit sa isang rifle at isang Harris handheld radio.
Nakipaglaban din ang mga sundalo kontra sa mga rebelde Sabado ng umaga sa parehong lugar.
Nauna rito, nangako naman si Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF) spokesman Simon Naogsan, dating government engineer na sumali sa NPA noong 90’s, na tatanggihan nila ang localized peace talks at sinabing, “it will not solve at all societal ills that bred the nearly 5-decade old Maoist inspired rebellion in the country.”
Tinanggihan din ng CPP ang alok na localized peace talks. A.ALEGRE / ABN
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025