LA TRINIDAD, Benguet
Sa patuloy na manhunt operation ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) laban sa mga nagtatago sa batas, ay muling nakalambat ng 40 katao, habang 61 munisipalidad naman ang naitalang zero crime incident sa loob ng isang linggong operasyon na isinagawa mula Hunyo 22 hanggang 28. Ayon sa Regional Investigation and Detective
Management Division, naitala ng Benguet Police Provincial Office (PPO) ang pinakamataas na bilang ng mga naaresto na 17 wanted person, sinundan ng Baguio City Police Office (CPO)
na may 10 arestado, Ifugao PPO na may apat na naaresto; Apayao PPO at Kalinga PPO na may tig-tatlong arestado; My.Province PPO na may dalawang arestado at Abra PPO na may isang arestado. Sa mga naaresto, walo ang kinilala bilang Most Wanted Persons, kung saan dalawa ang nasa provincial level at anim sa municipal level.
Samantala, bilang resulta ng pinaigting na presensya ng pulisya, 61 munisipalidad sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon at apat na istasyon ng pulisya sa Baguio City ay nanatiling mapayapa, kung saan ang PRO CAR ay nagtala ng zero na insidente ng krimen sa mga lugar na ito sa parehong linggo. Zero crime incidents ang naitala sa 23 munisipalidad sa Abra, sampu sa Benguet at sa Ifugao, siyam sa Mountain Province, lima sa Apayao, at apat sa Kalinga. Gayundin sa Police Stations 1, 2, 6, at 9 ay naitala rin ang zero crime incident sa 10 police stations sa lungsod. Naitala din ng PRO CAR ang 72.92% Crime Clearance Efficiency at 70.83 Crime Solution Efficiency mula sa mga naiulat na insidente para sa linggong ito, na binibigyang kredito ang mga resultang ito sa masigasig na pagsisikap ng mga opisyal ng pulisya sa paglutas ng mga krimen.
Zaldy Comanda/ABN
July 5, 2025