5 ektarya ng Dairy Farm, ibibigay ng DA sa Baguio

Inihayag ni Mayor Mauricio G. Domogan na ipinangako ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol sa mga lokal na opisyal na ang agriculture department ay payag na ihiwalay ang halos 5 ektarya mula sa 92-ektaryang Baguio Dairy Farm property na gagamitin ng lokal na pamahalaan sa kung anumang layuning pampubliko.
Ayon sa alkalde, ang lugar na ibibigay ng Department of Agriculture (DA) sa lungsod ay matatagpuan sa kahabaan ng Marcos Highway, kabilang ang 5,000-square meter na kasalukuyang ginagamit ng lungsod para sa pansamantalang staging area ng residual waste ng lungsod bago ilipat sa Urdaneta sanitary landfill sa Pangasinan.
“We already issued the appropriate directives to the City General Services Office and the City Engineering Office to survey the area committed to the local government for the processing of documents for its donation,” diin ni Domogan.
Inihayag niya ang pasasalamat sa namumuno ng agriculture department dahil sa suporta sa lungsod para sa pagpapatupad ng kaayusan at pangmatagalang proyekto na kapaki-pakinabang sa mas higit na nakararaming tao.
Maliban sa paghihiwalay ng 5-ektaryang lupa mula sa Dairy Farm reservation na ipapasa sa lokal na pamahalaan, ipinangako rin ng Kalihim na bibigyan ang lungsod ng P10 milyon para sa pagpapagawa, rehabilitasyon at upgrading ng farm-to-market road ng lungsod upang mapadali ang kalakal na ani ng mga magsasaka na nakabase sa mga nagsasakang barangay.
Ayon pa sa kaniya, ang lokal na pamahalaan ay pag-aaralan ang mga pagpipilian ng masusing paggamit sa donasyong lugar upang matugunan ang pangangailangan ng lungsod, lalo na ang central terminal para mga south-bound buses upang lumuwang ang masikip nang Governor Pack bus terminal.
Matatandaan na ang pamahalaang lungsod ay humihiling sa mga dating pinuno ng agriculture department na mag-donate sa lungsod ng kahit 10 ektarya mula sa Baguio Dairy Farm upang magamit sa development projects na tutugon sa pangunahing problemang pang-trapiko ng lungsod.
Inatasan niya ang mga may kaugnayang ahensiya upang maghanda ng development plan ng lupa para sa pagsusuri kung ang paglalagay sa south-bound bus terminal sa lugar ay magbabawas sa paninikip ng trapiko sa gitna ng lungsod o hindi.
Sinabi niya na si Secretary Pinol ay sumusuporta sa pagpapaunlad ng lokal na pamahalaan na siyang dahilan kung bakit ipinangako niya ang paghiwalay ng 5-ektaryang ari-arian mula sa reservation ng Baguio Dairy Farm para sa anumang mga proyekto na kailangan ng lungsod.
Ipinaalam ni Domogan na kapag natapos ang survey, ang mga angkop na representasyon ay gagawin kasama ang namumuno ng DA para sa finalization ng mga dokumento na ipapasa ang 5-ektaryang lupa sa pamahalaang lungsod upang ito ay magamit para maisakatuparan ang mahabang pagkaantala ng development projects dahil sa kakulangan ng lupa na gagamitin para sa layunin.
Ang 92-ektaryang Baguio Dairy Farm ay nasa ilalim ng saklaw ng DA na gagamitin para sa sustainable dairy production sa lungsod at ibang kalapit na lugar sa Cordillera. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon