5 RAPE SUSPEK NASAKOTE SA CORDILLERA

CAMP DANGWA, Benguet – Limang wanted sa kasong panggagahasa ang nasakote ng pulisya mula sa pinaigting na kampanya sa ilalim ng “Oplan Lambat Sibat” sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Kalinga, Benguet at Apayao.
Sinabi ni Capt. Marnie Abellanida,deputy regional information officer ng Police Regional Office-Cordillera, ilan sa mga nadakip na suspek ang hindi pinabanggit ang pangalan para sa kaligtasan ng mga biktima.
Nadakip ng Rizal Municipal Police Station noong Mayo 19 sa Kalinga ang No.9 Top Most Wanted Person na isang 33 taon gulang (hindi pinabanggit ang pangalan para sa kaligtasan ng biktima), driver at residente ng Sitio Andarayan, Santor, Rizal, Kalinga.
Ang suspek ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Jerson Eckman Angog,ng Branch 25,Regional Trial Court,Second Judicial Region,Tabuk City,Kalinga sa rape na walang kaukulang piyansa.
Sa imbestigasyon ng Rizal MPS, nagsampa ng reklamo ang isang 17 taon gulang na babae, na noong Marso 2021,inimbita umano siya ng suspek na mamasyal sa isang lugar at siya ay pumayag,kahit hindi niya alam kung saan pupunta.
Sumakay ang biktima sa motorsiklo ng suspek patungo sa Tabuk City,hanggang sa makarating sila sa Sitio Spring, Liwan West at naglakad patungo sa madamong lugar para mag-usap at magsnack sa dala nilang pagkain. Maya-maya ay bigla unong inihiga sa damuhan ng ng suspek ang biktima at puwersahan umanong ginahasa.
Ayon kay Abellanida, nadakip na ng Itogon MPS sa Benguet,noong Mayo 15, ang rape suspek na umabuso sa kanyang anak-anakan na babae mula noong 2014 sa edad 13 taon gulang hanggang 2019.
Napag-alaman na ang suspek ay foster parent ng biktima at bukod sa sexually abused, siya rin ay pisikal na inaabuso mula 2014 hanggang 2022.
Ang pinakahuling insidente ng physical abuse ay nangyari noong Abril 2022 kung saan hinampas ng suspek ang likod ng biktima gamit ang speaker at pagkatapos ay sinuntok.
Dahil sa kahirapan, ang pamilya ng biktima ay dumulog kay Benguet Caretaker Eric Yap nang mag-outreach activity ito sa Sabkil,Itogon,Benguet noong Abril 18,2022.
Sa mabilis na legal assistance ni Yap ay agad naisampa ang kaso at paglabas ng warrant of arrest ay nadakip ang suspek sa kanyang pinagtataguan sa Barangay Kias,Baguio City.
Noong Mayo 14, nadakip ng mga tauhan ng Benguet Provincial Police Office, ang tatlong Provincial Top Most Wanted Person na nakilalang sina Conrado Gunaden, na nakalista bilang No. 2, ay naaresto dahil sa krimen ng Statutory Rape habang sina Gilbert Ordonio, na nakalista bilang No. 8, at Edison Wabe, na nakalista bilang No. 9, ay parehong naaresto sa krimen ng panggagahasa.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon