BAGUIO CITY
Sa layuning palawakin ang kaalaman, pagtanggap, at suporta para sa mga indibidwal na may autism, isinagawa ng Autism Society of the Philippines (ASP) – Baguio Chapter, ang Angels Walk for Autism, na taunang programa na layong itaguyod ang Autism-OK Philippines—isang lipunang may malasakit, pagtanggap, at pagkilala sa kakayahan ng mga may autism. Hindi lamang ito simpleng lakad; ito ay isang
makapangyarihang simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at suporta para sa autism community. Pinangungunahan ito ng ASP at sinusuportahan ng SM Malls sa buong bansa bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Autism Awareness Month tuwing Abril.
Ayon kay Bernadette Palicdon, presidente ng ASP Baguio Chapter, “Acceptance is the biggest hindrance of those who have ASD. Sa family pa lang may mga hindi accepted and pagdating sa school, bullying. And also after school, the struggle to look for employment.” Binibigyan ng angels walk na ito ng boses ang mga may autism at kanilang pamilya upang iparating na sila ay may kakayahan, may talento, at karapat-dapat sa pantay na oportunidad sa lipunan. “They can see that they are capable, they are differently abled,” dagdag pa ni Palicdon.
Layunin din ng event na mapalakas ang suporta mula sa pamahalaan, pribadong sektor, at buong komunidad para sa mas inklusibong mga programa at serbisyo.
Nagsimula ang Angels Walk for Autism bilang isang advocacy event noong 2007, na pinangungunahan ng Autism Society Philippines. Sa paglipas ng mga taon, lumawak na ito sa iba’t ibang lungsod at SM Malls sa bansa, kabilang na ang Baguio, upang mas mapalapit sa mga pamilya at indibidwal na may autism. Sa Baguio, katuwang ng ASP ang SM City Baguio, SM Cares, at Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng lungsod, pati na rin ang mga volunteers, paaralan, therapy centers, at iba pang organisasyon. “We did it bigger and better, in collaboration with ASD, LGU, and also the volunteerism of SM employees,” ani Phillip Baysac, mall manager ng SM City Baguio. “We don’t consider PWDs as charities, we treat you as partners, as collaborators,” dagdag pa niya.
Nagsimula ang programa sa isang talent show kung saan nagpakitang-gilas ang mga batang may autism sa pagkanta at pag-awit. Isa sa mga nagbigay-inspirasyon na nagpakitang gilas ay si Raghnall Cire Garay, 24, mula Pangasinan. “Nakakahelp po yung event na ‘to sa
coconnect for people with disability and people who have autism. Don’t lose hope for people who have disability, they have different talents,” ani ni Garay. Para kay Mona Marco, isang ina ng batang may autism, “Being a primary caregiver of my son with special needs, ASD Baguio is a community, it gives support, especially emotionally. They are inclusive of the needs of regular kids and kids with special needs. This event feels like belongingness.”
Ayon naman kay Allysa Higoy, nursing student mula University of the Cordilleras, “As a first timer attending the event, very exciting. This
is eye-opening since we saw a lot of talent from kids with ASD. Autism is not a disability, it’s another ability.” Nakiisa ang mga miyembro ng BFP Baguio, BCPO at Benguet Regional Police Office, JCI Dagupan at Rosales, iba’t ibang paaralan, therapy at learning centers, at mga volunteers mula sa SM City Baguio at SM Cares. Bilang isa sa pinakamatagal na ASP organizations sa Pilipinas, patuloy ang ASP Baguio sa pagbibigay ng suporta at pag-asa sa autism community. “Mahusay, magaling, masaya at makulay ang Angels Walk dito sa SM City Baguio,” ani Dang Koe, ASP National Chair Emeritus.
Habang lumalaki ang bilang ng mga kalahok taon-taon, patuloy ang panawagan ng ASP Baguio na mas marami pang pamilya, paaralan, at
institusyon ang makiisa sa susunod na Angels Walk for Autism—para sa isang mas inklusibo, mas maunawain, at mas makataong lipunan para sa lahat. Katuwang ang SM City Baguio at SM Cares bilang mga pangunahing sponsor, matagumpay na isinagawa ang ika-limang Angels Walk for Autism noong Abril 23, 2025 sa Atrium ng SM City Baguio.
Adrian Brix Lazaro – UB Intern
April 26, 2025
April 26, 2025
April 26, 2025
April 26, 2025
April 26, 2025
April 26, 2025
April 19, 2025