On the spot na tinanggap sa trabaho ang 544 aplikante mula sa 3,824 na naitalang nag-apply sa buong araw na jobs fair na ginanap sa Baguio City National High School (BCNHS) gymnasium noong Mayo 1, 2018.
Sa mga agad natanggap, 497 ang para sa mga lokal na kompanya habang 47 naman ay trabaho sa ibang bansa.
Sa 3,824 na kabuuang aplikante, 2,186 ang nag-apply sa lokal na trabaho at 1,638 naman para sa trabaho sa ibang bansa.
Inihayag ng Public Employment and Services Office (PESO) na mayroong kabuuang 2,472 job applicants ang kwalipikado sa kanilang inaplayang trabaho at 1,700 dito ay nakatugon sa qualifications ng mga lokal na kompanya habang 772 na naghahanap ng trabaho ang kwalipikado sa overseas employment ayon sa standards ng mga lumahok na overseas employment agencies.
Samantala, nasa 1,928 ang kabuuan ng mga muntik nang natanggap na aplikante o near hire applicants na binubuo ng 1,203 local jobs applicants at 725 aspirants para sa overseas placements.
Mayroon namang 109 applicants ang isinangguni sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa karagdagang pagsasanay upang mapabuti ang kanilang kakayahan para matanggap sa mga trabahong iniaalok sa mga jobs at business fairs.
Ayon sa ulat, may 76 job applicants ang isinangguni sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa business opportunities na angkop sa kanilang mga interes at 75 job applicants ang isinangguni naman sa iba pang ahensiya na sumali sa jobs fair.
Paliwanag ng PESO, ang near hire applicants o muntik nang matanggap ang aplikasyon ay ang mga ikinonsiderang tanggap na sa trabaho ng local at overseas employment companies ngunit kailangan pa nilang magbigay ng dagdag na requirements o kailangan pang sumailalim sa dagdag na screening procedures ng kanilang employers.
Iginiit naman ni Mayor Mauricio G. Domogan ang kanyang pasasalamat sa mga nakilahok na local at overseas employment companies na nag-alok ng 18,000 na trabaho noong Labor Day jobs and business fair.
Binati rin ng alkalde ang mga aplikante na agad natanggap at mga near hire applicants na nakakuha ng trabaho sa pamamagitan ng aktibidad na pinangunahan ng lokal na pamahalaan, Department of Labor and Employment (DOLE) at DTI.
Ang iba pang ahensya na lumahok sa jobs and business fair ay kinabibilangan ng National Bureau of Investigation (NBI), Social Security System (SSS), Professional Regulation Commission (PRC), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine Health Insurance Corporation, Philippine Overseas Employment Administration, National Commission on Disability Affairs at mga private partners. BAGUIO PIO / ABN
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025