6,500 TRABAHO, INILATAG SA LABOR DAY JOB FAIR

BAGUIO CITY

Iniulat ng Department of Labor and Employment-Cordillera na mahigit sa 6,500 job vacancies ang inilatag sa dalawang malalaking job fair sa magkasabay na ginanap sa Baguio Convention Center at SM City Baguio,kaugnay sa pagdiriwang ng ika-123 Araw ng Paggawa,noong Mayo 1. Mahigit 1,715 lokal na trabaho ang iniaalok ng 33 employers, habang 4,492 naman ang overseas job vacancies na
mula sa 11 overseas companies at manning agencies. Bukod pa rito, may 372 job openings din mula sa 14 locators ng SM City Baguio,
samantalang ang overseas job vacancies ay mula sa mga bansang United Kingdom, United States, Japan, New Zealand, Australia, at Scotland, kabilang ang mga posisyon para sa nurses at iba pang medical workers, laborers, farm workers, hotel workers, at seafarers.

Ayon kay DOLE Region Director Imelda Romanillos, “Ang layunin ng job fair na ito ay bigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa at employer na magkita at magkasundo para sa trabaho bilang bahagi ng poverty alleviation program ng administrasyon ni Pangulong
Ferdinand Marcos Jr.”. Kasabay ng job fair, isinasagawa rin ang Kadiwa ng Pangulo market-linkage facilitation program at livelihood fair upang matulungan ang mga naghahanapbuhay at magsasaka na makabenta ang kanilang produkto nang direkta sa mga mamimili.
Mahigit 10 ahensya ng gobyerno ang kalahok sa one-stop-shop na nag-aalok ng serbisyo para sa mga aplikante.

Kabilang dito ang National Conciliation and Mediation Board, National Labor Relations Commission, Regional Tripartite Wages and Productivity Board, Employees’ Compensation Commission, Occupational Safety and Health Center, Professional Regulation Commission, National Bureau of Investigation, Philippine Statistics Authority, Department of Trade and Industry, Technical Education and Skills Development Authority, Pag-IBIG Fund, Social Security System, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue, Philippine Health Insurance Corporation, at Department of Migrant Workers.

Tiniyak naman ni DOLE Technical Service and Support Division Emerito Narag, na walang dapat ikabahala ang mga aplikante sa job fair, dahil masusing sinuri at legal ang lahat ng kumpanyang kalahok. Pinayuhan din ang mga aplikante na magdala ng mga pangunahing dokumento tulad ng resume o biodata at magsuot ng maayos at presentableng kasuotan. Ayon kay Doy Tabilog ng PESO, “Sulitin ang job fair dahil lahat ng posibleng oportunidad ay narito. Baka kayo na ang mapalad na ma-hire on the spot.” Ang Labor Day job fair sa Baguio ay hindi lamang para sa mga naghahanap ng trabaho kundi pati na rin sa mga nais magsimula ng sariling kabuhayan o negosyo, sa
tulong ng mga ahensyang nagbibigay ng livelihood at skills training. Ang kaganapang ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng lungsod ng Baguio at ng pambansang pamahalaan na bigyan ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipino tungo sa mas maunlad na buhay.

Adrian Brix Lazaro/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon