75 BABY PAWIKAN, PINAKAWALAN SA LA UNION

SAN JUAN, La Union

Pitumpu’t limang baby Olive Ridley sea turtles ang pinakawalan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Ilocos Region noong Marso 3 bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Wildlife Day. Ang aktibidad ay ginanap bandang alas 5:30 ng hapon sa Coastal Underwater Resource Management Action (CURMA) site sa baybayin ng San Juan. Pinangunahan ito ni DENR Regional Executive Director Atty. Crizaldy M. Barcelo ang
seremonya at binigyang-diin ang kahalagahan ng konserbasyon at proteksyon ng mga pawikan bilang bahagi ng coastal ecosystem.

“Kami po sa DENR Region 1 ay nagpapasalamat sa CURMA, ang ating NGO, dahil sa kanilang preservation effort sa ating marine turtles,” pahayag ni Atty. Barcelo. Hinimok din niya ang publiko na makiisa sa pangangalaga ng mga
pawikan.“Sa ating mga kabarangay at kababayan, pangalagaan po natin itong ating mga marine turtles upang
dumami pa ang kanilang bilang.” Ayon kay Carlos Tamayo, Director ng CURMA, patuloy na dumarami ang mga
napakawalang hatchlings sa nakalipas na limang taon. “Mula sa halos 2,000 hatchlings sa mga nakaraang taon, umabot na ito sa halos 9,000 ngayong taon, indikasyon ito na mas maraming pawikan ang bumabalik sa baybayin ng
La Union, na patunay sa matagumpay na konserbasyon ng kanilang mga pugad.”

Ang CURMA ay isang volunteer group na may misyon na protektahan ang endangered Olive Ridley sea turtles laban
sa mga illegal na manghuhuli at iba pang panganib. Sa kanilang marine conservation program, dating mga poacher ang naging tagapangalaga ng mga pawikan. Ang pagpapalaya ng mga hatchlings ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng DENR at mga katuwang nitong organisasyon upang protektahan ang marine biodiversity. Ang mga pawikan ay may mahalagang papel sa ekosistema ng dagat. Tinutulungan nilang panatilihin ang balanseng bilang ng mga sea creatures at pinipigilan ang labis na paglaki ng populasyon ng ilang species.

Ramil Abenoja / UB-Intern

Amianan Balita Ngayon