80 PAMILYA APEKTADO SA ROCK AT LANDSLIDE SA ITOGON, BENGUET

ITOGON, BENGUET

Halos umabot sa 80 pamilya ang naapektuhan sa naganap na rock at landslide sa barangay Acupan, Virac, Itogon, Benguet nooong Hulyo 4, 2025 ng umaga matapos gumuho ang bahagi ng bundok dulot ng walang tigil na pagulan na dala ng habagat at Tropical Depression “Bissing.” Sa kabuuang bilang limang pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga
evacuation center habang ang iba naman ay pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak sa lunsod ng Baguio. Dahil sa patuloy na pagulan dulot ng masamang panahon umapaw rin ang ilog sa lugar na nagdulot ng matinding pinsala sa isang hanging bridge na naging banta sa mga kalapit na kabahayan. Kasunod ng landslide ang pagragasa ng makapal na putik at malalaking tipak ng bato, na nagdulot ng matinding panganib sa mga residente. Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Barangay Kagawad Teodoro Balanza na nagsimula
na ang unti-unting pagguho sa naturang lugar ay noon pang nakaraang taon.

Dagdag pa ni Balanza ang Sitio Acupan ay isang mining area na tirahan at pinagtatrabahuhan ng isang libong minero kaya’t mas mataas ang panganib sa mga naninirahan at manggagawa rito. Ayon naman sa Itogon Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), patuloy ang kanilang monitoring at validation sa lugar. Kasalukuyan ding nagsasagawa ng clearing operations ang mga volunteers upang linisin ang apektadong bahagi. Matatandaang iniulat ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na tinatayang 184
ektarya ng Itogon ang kabilang sa mga high-risk area para sa landslide. Kabilang dito ang Barangay Virac at Ampucao, na isinailalim sa critical zone classification dahil sa madalas na pagguho ng lupa tuwing tagulan. Noong Hunyo 22, tatlong minero ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Camp 5, Acupan, sa parehong barangay. Dahil sa patuloy na banta ng pagguho, muling nananawagan ang lokal na pamahalaan ng Itogon sa mga residente na agad lumikas sa mas ligtas na lugar kapag nakaramdam ng anumang
senyales ng paggalaw ng lupa.

Bombo Radyo-Baguio

Amianan Balita Ngayon