9 dayo, 4 menor de edad huli sa pot session sa LU Surfing Break

SAN JUAN, LA UNION – Labintatlong lokal na turista, na kinabibilangan ng apat na menor de edad, ang dinakip ng Philippine Drug Enforcement Agency habang abala ang mga ito sa kanilang marijuana pot session sa kasagsagan ng La Union Surfing Break sa Barangay Urbiztondo ng bayang ito.
Ayon kay Bismark Bengwayan, tagapagsalita ng PDEA-Region1, ang mga suspek ay nadakip matapos silang itimbre ng isang concerned citizen na negosyante sa lugar dakong 11 ng gabi noong Oktubre 28 (Sabado).
Kinilala ang siyam na suspek na sina Mark Fajardo, Amiel John Amoroso, Daryl Asong, Andy Lou Bueno, Angie Laranang Abacco, Joma Sison, Leomar Liddaway, Daryl Insulia, at Prince Israel Ambrosio, pawang nasa edad 19 hangang 24, na kasama ng apat na menor de edad.
Nakuha sa kanila ang tatlong self sealing transparent plastic sachets ng marijuana, isang nabuksan na sachet ng pinatuyong marijuana, at apat na stick ng hinihinalang marijuana. Sa kabuuan ay tinatayang 30 gramo ng pinatuyong marijuana ang nakumpiska kasama ang ilang drug paraphernalia.
Ayon kay Punong Barangay Ericson Valdriz, “pawang mga dayo sila at mga beach goers na galing sa iba’t ibang lalawigan.”
Ang mga suspek ay nasa kustodiya ng PDEA regional office sa Carlatan, San Fernando City, La Union habang isinasagawa ng ahensya ang karagdagang pagsisiyasat. ERWIN BELEO / ABN

Amianan Balita Ngayon