9 NA OFW MULA ILOCOS UMUWING LIGTAS SA GITNA NG GIYERA SA MIDDLE EAST

LUNGSOD NG DAGUPAN, Pangasinan

Siyam na overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Pangasinan at Ilocos Sur ang ligtas na nakauwi sa Pilipinas matapos maibalik mula sa
Middle East, kasunod ng mga tensiyon sa pagitan ng Israel at Iran. Sa isang press statement noong Huwebes, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)- Ilocos regional office na walo sa mga OFW ay nagmula sa Israel at isa mula sa Jordan. Ang kanilang pagbabalik ay pinadali noong Hunyo 24, sa kabila ng naunang mga pagkagambala sanhi ng temporary airspace closure ng Qatar.

Ang kanilang mga flight ay matagumpay na na-reroute, at dumating sila sa NAIA Terminal 3 na sinamahan ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac at Undersecretary Venecio Legaspi. Bawat isang OFW ay tumanggap ng PhP150,000 na
pinansiyal na tulong (PhP75,000 bawat isa mula sa OWWA at DMW), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) training vouchers, medical assistance mula sa Department of Health, at referrals para sa karagdagang suporta ng Department of Social
Welfare and Development (DSWD).

“Nakaranas kami ng pagka-antala ng flight dahil sa airspace restrictions ngunit ang mas mahalaga ay nakauwi na kami, ligtas at maayos,” ani Secretary Cacdac sa isang hiwalay na pahayag. Siniguro ni Cacdac sa mga nakabalik na OFW na tutulungan sila ng gobyerno na magtayo ng napapanatiling pangkabuhayan o makahanap ng bagong oportunidad sa trabaho. “Hinihikayat namin ang mga OFW na
makinabang sa voluntary repratriation program. Pinapangunahan ni Pangulong (Ferdinand) Marcos Jr. ang ating whole-of-government na tugon sa ilalim ng Bagong Pilipinas upang masiguro ang komprehensibong suporta para sa mga bumabalik na manggagawa,” aniya,

(HA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon