91K OBESITY NAITALA SA CORDILLERA

BAGUIO CITY

Iniulat ng Department of Health-Cordillera ang pagtaas ng bilang na 91,164 kaso ng obesity ang naitala noong 2024, na ang pangunahing dahilan ay ang madalas na pagkain ng karne. Batay sa datos, umabot sa 70,613 ang bilang ng mga obese na may edad 20 hanggang 59,
habang 20,551 naman ang mga obese na edad 60 pataas. Isa sa mga dahilan ng mataas na bilang ng obesity sa Cordillera ay ang labis na
pagkain ng karne tuwing cañao o handaan, ayon sa Department of Health – Cordillera (DOH-CAR).

Binigyang-diin ni Joyce Rillorta, Nurse V ng DOH-CAR, na maaaring magdulot ng obesity ay ang madalas at matagalang pagkain ng karne, lalo ang tinatawag na watwat o’ karne na may halong asin, na inihahanda tuwing may okasyon sa Cordillera. “ Tradisyunal na kasi
tuwing may okasyon sa Cordillera ang mag cañao na kalimitan ay ang paghahanda ng karne ng baboy, hindi lang one day o minsan three days, tapos yung pinapakain lang is yong pork na may asin na halos ganon lang ang palaging ginagawa.”

Aniya, dahil sa ganitong sistema ng pagkain, marami ang nagiging overweight o’ obese. Patuloy umanong tumataas ang bilang ng mga
overweight at obese sa rehiyon, kaya isinusulong ng DOH-CAR ang mas balanseng pagkain at mas aktibong pamumuhay. Aminado ang
departamento na bahagi ng kultura ang cañao, pero hinimok nila ang mga residente na bawasan ang labis na pagkain ng karne para mapanatili ang kalusugan. “Hindi natin sinasabing tanggalin ang kultura.

Ang mahalaga ay magkaroon ng moderation o pagbabawas sa dami ng karne na kinakain at magdagdag ng mas maraming gulay at iba pang masustansyang pagkain,” ayon kay Rillorta. Samantala, ayon kay Professor Mario Tanggawan, isang cultural researcher mula sa University of the Cordilleras, ang cañao ay isang ritwal na may malalim na kahulugan sa kultura ng mga taga-Cordillera. “Hindi lang ito simpleng kainan, kundi bahagi ng ating pagkakakilanlan. Pero mahalaga ring pagsamahin natin ang kultura at kalusugan,” aniya.

Upang tugunan ang tumataas na kaso ng obesity, nagsasagawa ang DOH-CAR ng information drive sa mga barangay upang ituro ang tamang nutrisyon at kahalagahan ng balanseng pagkain. Plano rin nilang makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang isulong ang “healthy cañao”, kung saan hihikayatin ang mga pamilya na maghanda ng mas maraming gulay, prutas, at iba pang alternatibong pagkain sa halip na puro karne. “Ang kultura ay mahalaga, pero mahalaga rin ang kalusugan,” giit ni Rillorta habang hinihikayat ang publiko na gawing mas balanse ang pagkain tuwing may handaan.

Ramil Abenoja/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon