Inabot na naman tayo ng tag-ulan pero ang mga isyu ng hidwaan… parang bagyo at tsunami pa rin. Nakakabanas hane? Pero sabi ng marami… parang lindol ang pagsulpot ng mga kontrobersiya sa ating bansa. Sa likud ng mga manakanakang magagandang balita gaya ng lalong umuusbong na tiwala ng ibang bansa sa atin at mga ulat ng pag-alwan ng buhay ng ating mga mahihirap na kababayan…. may mga sumusundot pa ring mga kontrobersiya. Yan ang ating kakaliskisan: Balasahan sa kapulisan. Andiyan na ang bagong hepe – Heneral Torre. Bulwak agad ang unang kontrobersiya: “paramihan ng huli”, yan ang utos niya sa buong puwersa ng PNP sa bansa.
Daming kilay ang bumagsak, pards. Aba’y kung literal ang basehan… baka isipin ng marami na parang ginagawa na yatang laro at sugal ang pagsugpo sa kriminalidad. Baka raw huli na lang nang huli kahit walang kasalanan para makapuntos. Pero hindi pala ganito ang ibig sabihin ni Tsip. Kinakailangan daw na may kapararakan naman ang bawa’t huli… yong may masasampahan ng kaso at mapaparusahan. Naman pala, eh. Kung minsan, ang pabigla-biglang bukas ng bibig at pulandit ng dila ay talagang nakakabigla.
Para ka raw tinamaan ng kulam na di mo alam. Ang balita ay sing-talim ng kidlat. Madaling kumalat lalo kung peke! Kaya isip-isip. Baka
mafakenews kayo. Napag-uusapan ang isyu ng “peke”. Magandang balita hinggil sa kapekehan. Sabi kasi ng Kamara…tatapusin nila ang
mga imbistigasyon sa POGOs, confidential funds ni VP Sara at mga “fake news”. Parang musika, hane? Ang sarap nang dating sa teynga. Tatapusin na raw nila ang pagdinig sa Hunyo 4. Tapos na, di ba? Ngayon naman ( Hunyo 5) tutuldukan daw ang isyu ng mga “fake news” at sa Hunyo 9 ang ending ng kanilang imbestigasyon sa POGO.
Una nang naghayag ang Quad Committee na tinapus na nila ang isyu ng mga extra judicial killings, money laundering, droga na iniuugnay
sa operasyon ng POGO sa bansa. Ang hakbang ay kaugnay ng pagtatapos o gradwasyon ng 19th Congress sa Hunyo 11. Kaya ang usap-usapan ngayon ay kung ipapasa ba sa 20th Congress. Debatehan pa rin kung pupuwede o hindi. Dito nga sinangag si Senate Pres. Escudero. Ang buwelta naman niya: wala silang hakbanging hindi napag-aralang maigi para sa bayan.
Buti nga sa hanay ng kapulisan, nariyan na si Torre. Pahiwatig niya na bababa raw ang krimen at ito’y ipaparamdam din niya sa publiko bilang tugon sa pagtitiwala ni Pangulong Marcos sa kanya. Hataw nga niya na itutuloy ng PNP ang mabilis at patas na serbisyo, pagkakaisa at pagpapataas ng moral ng kapulisan, pananagutan o “accountability” at hiling na modernisasyon. Ang target: kakayanin ng kapulisan na ibalik ang tunay na diwa ng peace and order sa bansa sa legal na paraan. Sisikapin daw ng buong puwersa ng kapulisan na tugunan ang iba’t-ibang hamon sa kanilang hanay.
Daplis naman ng mga analysts: sana maalis na ang oplan-pasahan sa mga idinudulog na mga problema sa kapulisan. Wala itong pinag-iba sa mga kontrobersiyang paghahanda ng Senado sa impeachment ni VP Sara. Nasisilip kasi ng ilang mambabatas at ng maraming kababayan na para bang naisasantabi ang usapin at dapat unahin muna ang iba pang mahahalagang panukalang batas. Bakit, hindi ba
mahalagang malaman ng bayan ang buong katotohanan sa isyu ng alegasyon sa korapsiyon na nangyari sa ilalim ng opisina ng bise presidente? May kilos-protesta na ngang naganap kamakailan na iisa ang sigaw: VP Sara, litisin na! Iisa ang turo sa masa kapag pinigil ang paglilitis: na okey lang ang magnakaw! Huling tanong: nasaan ba ang bise? Naroon pa rin sa The Hague, Netherland. Doon daw nag-b-day, eh sa piling ng detenadong amang si dating Pangulong Digong. Tag-ulan na, pards…kahandaan ang daplis namin. Adios mi amor, ciao, mabalos.
June 8, 2025
June 8, 2025
May 31, 2025
May 31, 2025
May 31, 2025
May 31, 2025