Abra isinailalim sa ECQ, Mayor at Vice Mayor nagpositibo sa COVID

Metro BLISTT

BAGUIO CITY — Nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang Alkalde at asawa nitong Bise- Alkalde ng capital town ng Bangued sa lalawigan ng Abra, ayon sa anak nitong si Abra Governor Ma.Jocelyn Valera- Bernos.

Kinumpirma ni Bernos sa kanyang social media account na positibo sa virus ang kanyang magulang na si Bangued Mayor Dominic Valera at Vice Mayor Mila Acosta-Valera noong Setyembre 2.

Nabatid na ang Valera family ay pawang fully vaccinated na at maging si Bernos ay tinamaan din ng virus kamakailan.

“Nagpapasalamat ako at mild symptoms lang sila at nagpapagaling na lamang. Malaking tulong talaga ang vaccine sa kanilang edad na madaling kapitan ng virus,” pahayag ni Bernos.

Nanawagan din si Bernos sa mga taong naging close contacts ng kanyang magulang, lalong-lalo na sa municipal building na agad magpa-kunsulta sa Rural Health Unit (RHU) para makatulong na mapadali ang contact tracing at mapigilan ang pagkalat ng virus. Dahil sa biglaang paglobo ng COVID cases, ang lalawigan ay isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) mula Setyembre 1 hanggang Setyembre 7.

Sa bisa ng Executive Order na inisyu ni Bernos, ang lalawigan ay mahigpit na ipapatupad ang curfew mula alas 8:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga at kinakailangang magkaroon ng “white pass” bago makalabas ng bahay.

Pinagbabawalan din ang residente lumabas at pumasok ng lalawigan hanggang pinapatupad ang ECQ. Ang mga APOR (authorized persons outside of residence) ay kinakailangan may negatibong RT-PCR test result, samantalang ang mga taong may official business sa lalawigan ay pinapayagang makapasok.

“I am pleading with you my provincemates. Please stay at home. At present the number of positive cases are going up. We need your cooperation at this time. Seven-days man nga agtalinaed kau uneg balay yo, agusar kayo ti facemask uray adda kau uneg ti pagtaengan (Seven days, please stay at home, use facemasks even you are home),” panawagan ni Bernos.

Ipinaalam din ng Provincial Health Office (PHO) na ang COVID-19 Isolation Building ng Abra Provincial Hospital (APH) ay nasa full capacity na as of September 3.

Ayon sa management ng APH na simula Setyembre 3 na gagamit na lamang sila ng extension facility para sa treatment ng suspected COVID-19 habang inaantay ang kanilang test results.

Zaldy Comanda/ABN