ALAALA AT AGAM – AGAM

MADALAS akong tanungin kung sa paglipas ng panahon ay ganun pa rin katapat ang mga paninindigan ating tinindigan – mga patakarang sinunod ng buong tapang at mga paniniwalang ni minsan ay hindi nakahulagpos sa agos ng buhay. Matagal ko ring pinag-isipan ang katanungan iyan. Hindi sapagkat naglaho ang lakas sa paglipas ng panahon. Sa aking palagay, anumang mga mahahalagang isyu at adbokasiya ang minsan ay pinaghiyawan, ang mga ito pa rin ang naka-ugat sa ating angking katauhan. Hindi ito lumilipas. Nandyan pa rin at nanunuot, kung baga, sa kaibuturan ang puso at kaluluwa. Isang makinang na isyu ating laging pinaglalaban, anuman ang panahon, ay ang matapat na pagmamahal sa lungsod na kinagisnan.

Nandyan pa rin ang damdaming manaig ang pagnanasang laging una ang layunin na makilahok, makiambag, at makibahagi sa anumang pagkakataon ang usaping ito. Sino naman kaya sa mga matagal ng kinupkup ng lungsod na mahal ang ipagkait ang sariling ambag – pawis, luha o dugo – upang maisulong lamang ang mga bagay na makapagpapabuti ng buhay na mala-paraiso kung hihimayin? Kaya naman, bilang kasagutan, aking binagtas ang mga nagdaang agos ng panahon, ang hindi maitatatwang progreso at pakikipagsabayan ng Baguio sa iba pang mga maunlad na lugar. Ating sundan ang pagbabalik-tanaw hindi lamang sa mga taon nitong pangkasalukuyang pag-usad ng lungsod, kundi lampas-dekada pa.

Sa hamak na abot-tanaw, ating naranasan ang tila usad-pagong na pag-galaw ng lungsod sa mundo ng modernisasyon na siyang tawag ng
panahon. Ang palengke noong ating kabataan , publikong masasabi, ay tila pinag-halong kalamay ng kawalang pagbabago – naglipanang mga naglalako ng kung anu-ano at nagkalat na karumihan saan man bumaling ang mata. Ganito na noon, ganito pa rin bas a
kasalukuyang panahon, at sa mga susunod pang mga taon? Madalas nga nating marinig, bilang pangangatyaw, na kung ikukumpara an gating pamilihang bayan sa karatig lungsod dyan sa kapatagan, na tila hindi umusad ang panahon sa ating palengke. Palengke pa ring nakagisnan ng ating mga ninuno, walang pagbabagong magpapaangat sa estado at kundisyon.

Totoo nga na gayung nasa ganitong kalagayan ang ating pamilihang bayan ay hindi bumitaw ang mga tumatangkilik dito, lalo at higit ang mga bisita nating ramdam ang pagkiling sa lugar para sa mga bibilhing pasalubong pag-uwi sa kani-kanilang pinanggalingan. Ang mga pasyalang destinasyon ay ganun pa rin ang hatak sa mga turistang dala ang listahan ng mga pupuntahan. Pasyalan ang Botanical Garden na nitong mga nakaraang taon ay mulking binigyan ng panibagong gayuma. Hindi alintana ang sikat ng araw, lalo na kung tag-init, pumipila sila at naghihintay ng pagkakataon na sila na ang maaaring pumasok.

Maging ang iba pang paboritong pasyalan ay tila nabihisang ng gara at ganda upang mahikayat ang mga bisita na muli at muli ay maglalakad-lakad, langhapin ang bango ng sariwang hangin, at lasapin ang karanasang kakaiba at Baguiong-Baguio ang dating. Nagkaroon ng mga bagong pasyalan at isa na rito ang parke sa pinagandang Post Office. Hindi magkamayaw ang mga taong nilalakad ang
Session Road at kung makaramdam ng pagod at paghhina ay maaaring umupo sa mga naidagdag na upuang pwedeng palipasan. Minsan
nga, ating napansin na kinakandong ang mga paslit kapag dinapuan ng pagod sa paglalakad. Bakit nga pa naglalakad ang mga tao sa mga mataong lugar? Ang lungsod ay tinaguriang walkable city, isang maliit na lugar na sa isang iglap ay narrating mo na ang patutunguhang pook.

Kaiba rin na magayuma ang mga bisita na lakarin na lamang ang anumang pupuntahan, kung kaya namang daanin sa lakad. (Ibang kalakaran ang maaaring nasa isip ninyo, na tahasang ipinagbabawal ng ating mga Punong Abala na pinangungunahan ni Mayor Benjie). Sa isang maghapong nagsisimula sa pagsikat ng araw, maaaring maramdaman ang pulso ng bayan sa paglalakad. Mga tanawing puno ng halina, mula sa kalangitan, sa kabundukan, at maging sa kalupaang hitik sa gayuma. Ganito ang Baguio ngayon, isang lugar na hitik sa
mga sorpresang magpapaapaw sa puso, mag-aangat sa pananaw paitaas, isang lungsod na ugat ng ating mga pangarap, payak man sa
kasimplehan. Sa ganitong mapang-akit na kundisyon, hindi malayong ang mga paghahanda sa kinabukasan, sa ngalan na rin ng ating mga susunod na lahi, ay nagaganap na sa kasalukuyang panahon. Ready for the future, ang sabi ng ‘merkanong kabababa ng sasakyang naarkila pang-libot at pang-ikot.

Amianan Balita Ngayon