” ALPHALAND LUXURY HOMES SA ITOGON, BENGUET NAHARAP SA ALANGANIN?”

Naghain ng “Notice of Violation” ang Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources sa Alphaland Baguio Mountain Log Homes, Inc. sa diumano’y
pagtatambak ng lupa hanggang sa labas ng erya sa nagpapatuloy nitong condominium development sa sitio Tocmo, Loacan, Itogon, Benguet.

Inilalahad sa January 3, 2023 Notice of Violation ang labing-isang mga paglabag ng Alphaland sa Environmental Management Conditions and Environmental Compliance Certificate nito gaya ng kawalang nagawang “mitigation interventions” sa excavation activities na lubhang mapanganib sa kapaligiran gaya ng mga malapit na kabahayan, sapa o ilog, lalo na kapag dumating na ang tag-ulan.

Ang nakapagtataka, bakit sa kabila ng matagal na nitong development sa lugar, wala pa rin itong Discharge Permit, Permit to Operate and Hazardous Wastes Generator ID na ipinangako nito sa EMB noong Mayo pa ng nakaraang taon na ayon sa EMB ay paglabag sa naigawad na ECC nito. Hindi ba’t nararapat lamang na mauna muna ang mga permits bago mag-umpisa ang mga kahalintulad na proyektong makakaapekto sa kapaligiran?

Ayon pa sa EMB, hindi pa rin inilalahad ng Alphaland ang “proof of compliance” nito sa Information and Education Campaign (IEC) na nararapat nang naisagawa upang ipaalam sa mga apektadong mamamayan sa lugar ang mga isasagawang environmental at human safety features ng
luxury condominium project. Bukod pa’y, ayon sa pagsisiyasat ng EMB noong Disyembre ng nakaraang taon, mayroon mga naputol na kahoy sa project area ng walang mga kaukulang permit mula sa DENR.

Sa naisagawang Technical Conference noong Biyernes (January 20, 2023) ng EMB at mga kagawad ng Alphaland, hindi na nakipagtalo pa ang luxury homes developer sa ahensya ng goberyno kundi
tumalima na lang sa mga resulta ng pagsisiyasat ng EMB at nangako ng kahandaang tutupdin ng mga rekomendasyon upang pangalagahan ang kapligiran sa Itogon, Benguet.

Sadyang inamin ng Alphaland ang mga paglabag at nagpakita ng kahandaang ituwid ang mga pagkakamali nito sa mga sinumpaan nito sa pamahalaang susunding mga panuntunan ukol sa isinasagawang development nito sa Itogon. Mainam kung ganitong kaayos ang kinahihinatnan ng
mga dayalogo ng mga kagawaran ng pamahalaan at mga kompanyang nagsasagawa ng mga proyektong may kaugnayan sa kapaligiran.

Ngunit, hindi ba maaga pang husgahan kung tagumpay nga ang resulta ng paghaharap ng EMB at Alphaland? Hindi ba masasabi lamang na tagumpay ito kung ang lahat ng pangako ng Alphaland ay tutuparin nito sa takdang panahon? Nangangailangan din ang masusing pagbabantay ng mga
mamamayan ng Itogon sa pamamagitan ng mga halal na opisyales upang isiguradong tupdin ng Alphaland ang mga pangako nitong hakbang upang hindi na maulit ang mga paglabag!

Amianan Balita Ngayon