AMIANAN POLICE PATROL

P103-K halaga ng droga, nasakote sa Benguet

LA TRINIDAD, Benguet

Habang patuloy na pinaigting ng mga tauhan ng Benguet Provincial Police Office laban sa iligal na droga, may kabuuang P103,924.00 halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa isang linggong operasyon na isinagawa mula Agosto 27 hanggang Setyembre 1. Sa pagbanggit sa mga tala mula sa Regional Operations Division (ROD) ng PROCOR, isang drug personality ang naaresto matapos itong mahulihan ng kabuuang 0.93 gramo ng hinihinalang shabu, na may kabuuang Standard Drug Price na P6,528.00.

Ibinunyag sa parehong ulat na ang drug personality ay inaresto ng mga anti-illegal drugs operatives ng Benguet Police Provincial Office, na kinilala ang suspek na si Alyas Amer, 30 at nakalista bilang Street Level Individual. Ang naarestong suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kani-kanilang arresting unit, habang ang mga kasong paglabag sa R.A. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang inihahanda laban sa kanya.

Samantala, sa magkahiwalay na operasyon marijuana eradication, dalawang clandestine
plantation ng marijuana na may kabuuang 400 Fully Grown Marijuana Plants (FGMJP) at 440 Marijuana Seedlings na may kabuuang SDP na P97,396.00 ang binunot at sinunog sa lalawigan ng
Benguet. Bukod sa marijuana operation, ang mga pulis ay patuloy na nagsasagawa ng barangay visitation at information operations hinggil sa anti-illegal drugs campaign ng PNP.

TFP/ABN

Amianan Balita Ngayon