AMIANAN POLICE PATROL

P183,532 iligal na droga nasabat, dalawang drug pusher arestado sa Abra

LA TRINIDAD, Benguet

Dalawang drug pusher na kasalukuyang nasa ilalim ng probation bilang offshoot ng plea bargaining deal sa korte dahil sa kanilang mga nakaraang kaso sa droga, ang nadakip sa Zone 5, Bangued, Abra, noong Nobyembre 15. Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency Cordillera, ang suspek na sina Ariel Dumlao Benedito at Anna Liza Abella Millare, kapwa residente ng Zone 5, Bangued, Abra.

Nasamsam sa kanila sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge German Ballesteros III, Executive Judge, Regional Trial Court, Branch 1 ng Bangued, Abra, ang siyam na sachet ng methamphetamine hydrochloride na may kabuuang timbang na 26.99 gramo na nagkakahalaga ng P183,532.00, at mga drug paraphernalia.

Ayon sa backtracking investigation, lumalabas na nang makalaya mula sa kulungan, ang dalawang drug personalities ay bumalik sa kanilang negosyo ng iligal na droga, kaya muli silang nasa ilalim ng proseso ng monitoring at validation ng iba’t ibang law enforcement units sa lalawigan ng Abra, hanggang sa sila ay muling inaresto sa bisa ng operasyon ng search warrant. Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon