Sa Barangay Irisan, Baguio City, sikat ang dome-shaped transient houses na tila eksena mula sa anime. Abot-kaya at may magagandang tanawin ng Mt. Sto. Tomas, palaging fully booked ang mga ito mula nang magbukas noong 2024, na nagbibigay ng tahimik at natatanging karanasan sa mga turista.
By Von RIck Angway/ABN
BAGUIO CITY
Tila isang eksena mula sa paboritong anime ang sumasalubong sa mga turista sa isang transient house sa Barangay Irisan, Baguio City.
Ang kakaibang disenyo ng mga dome-shaped na bahay na ito ay nagpapaalala sa mga Japanese dome homes, kaya’t patok ito sa mga anime at Japan enthusiasts. Sa pagpasok ng tag-init, dagsa na naman ang mga bakasyunista sa Baguio upang takasan ang init ng panahon.
At habang puno ang karamihan ng mga transient house sa lungsod, ang dome houses sa Irisan ay nagiging isa sa mga pangunahing destinasyon ng mga bisita dahil sa kakaibang arkitektura at aliwalas ng lugar.
Ayon kay Clarence Alvaro, isa sa mga may-ari, hindi lamang pang-akit sa mata ang hugis-dome na disenyo, kundi mas abot-kaya rin ito kumpara sa tradisyunal na transient houses sa Baguio. “Bukod sa kakaiba ito, mas mura rin ang renta, kaya maraming turista ang nagpapabalik-balik,” aniya. Maliban sa modernong disenyo nito, may kakaibang ginhawa rin ang loob ng dome houses. May mainit at homey na pakiramdam sa loob, habang sa labas naman ay matatanaw ang napakagandang tanawin ng Mt. Sto. Tomas, perpekto para sa mga mahilig mag-kape sa umaga.
Si Alvaro, na mula sa Nueva Ecija, ay matagal nang naghahanap ng negosyong may kakaibang konsepto bago niya maisakatuparan ang dome houses. “Ginamit ko ang kaalaman ko sa business planning para makabuo ng isang lugar na hindi lang basta tuluyan, kundi isang bagay na magbibigay ng nostalgia at magandang karanasan sa mga bisita,” paliwanag niya. Isa sa kanyang naging inspirasyon ay ang ASO Farmland sa Japan, na kilala rin sa kanilang dome-shaped accommodations. Mula nang nagbukas noong 2024, halos laging fully booked ang transient house na ito, lalo na sa mga panahong maraming bakasyunista sa lungsod.
Ayon sa ilang turista, hindi lang disenyo ang nagustuhan nila kundi pati na rin ang tahimik at pribadong atmosphere ng dome houses. “Ibang-iba ito sa ibang transient houses na siksikan at maingay. Dito, talagang makakapag-relax ka,” ani Jonathan Santos, isa sa mga bisita. Samantala, ayon kay Danilo Ponce, isang anime fan, tila bumalik siya sa kanyang kabataan nang makita ang dome houses. “Parang nasa Dragon Ball Z ako! Napaka-unique ng experience na ito,” aniya. Dahil sa patuloy na pagtaas ng demand, balak ng mga may-ari na magdagdag pa ng mas maraming dome houses sa hinaharap upang makapagbigay ng mas maraming accommodation para sa dumaraming turista.
March 31, 2025
March 18, 2025
March 16, 2025