ART RESIDENCY INILUNSAD PARA PALAKASIN ANG SINING SA BAGUIO

BAGUIO CITY

Sinimulan ng dalawangpu’t limang batang aspiring artists ang kanilang anim na buwang art residency na inilunsad sa Podium Botique Hotel, Baguio City, noong Hulyo 1. Ang unang art residency ay proyekto ni City Councilor Leandro Yangot, Jr., kasama si Melan Kuh Marquez, may-ari ng Podium, na kilalang artist lecturer at ang Baguio FilipinoChinese Community na pinangunahan ni Peter Ng at suportado ng pamahalaang lungsod.

Ayon kay Yangot, layunin ng proyekto na mabigyan ng pagkakataon ang mga batang artist na mamuhay sa labas ng kanilang karaniwang kapaligiran, na nagbibigay sa kanila ng oras upang magmunimuni, magsaliksik o lumikha ng trabaho sa pamamagitan ng sining. “Art is life, marami tayong kabataan na magaling magpinta, kaya lang hindi sila nabibigyang pansin at sa pamamagitan ng proyektong ito ay matutulungan natin silang mailabas ang kanilang talento
sa sining, mai-display at maibenta ito sa mercado.”

Pahayag ni Yangot. Sinabi ni Yangot na ang mga resident artist ay “maaaring tuklasin ang mga bagong lokasyon, iba’t ibang kultura, at mag-eksperimento sa iba’t ibang materyales.” Nangako rin si Yangot sa mga batang artist na maghahanap siya ng mga venue para ipakita ang natapos na sining. “May Art Bank tayo ngayon sa Athletic Bowl, pwede ilagay doon ang mga painting, habang ako ay patuloy na makikipag-ugnayan para sa mga venue para sa art exhibit.”

Aniya, dahil ang lungsod ay Creative City noong 2017, nais niyang ipagpatuloy ito at tumulong sa pagkilala sa mga magagaling na artist ng Cordillera. Ibinahagi ni Peter Ng ang kanyang suporta at
ng buong Baguio Filipino Chinese community para patuloy na kilalanin ang lungsod bilang isang
Creative City at suportahan ang mga bata at matatandang artists na tumutulong sa pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng mga mural na makikita sa iba’t ibang bahagi ng ang lungsod, na nagiging atraksyon ng mga bisita.

Nag-donate ang grupo ni Ng ng mga materyales sa pagpipinta para sa mga bagong batang artist. Ibinahagi ni Marquez sa kanyang lecture noong Sabado ang Neurographic art, upang gabayan ang mga kabataan sa kahalagahan ng isang sining at malaking tulong para sa mental health awareness program ng pamahalaan.

Zaldy Comanda/PML/ABN

Amianan Balita Ngayon