BAGUIO CITY
Habang papalapit ang Palarong Pambansa 2025, puspusan na ang paghahanda ng mga student-athletes mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang ipakita ang kanilang husay sa pambansang entablado. Isa sa mga magiging pambato ng Baguio City ay si Caster Lan Pacya, Grade 11 student-athlete mula sa Baguio City National High School, na na may simbolo ng determinasyon at inspirasyon. Bagamat mayroong microtia, isang kondisyon na nakakaapekto sa pandinig at pagbuo ng tenga, hindi ito naging hadlang kay Caster upang maabot ang kanyang pangarap bilang mananayaw.
Simula pagkabata, kinahiligan na niya ang pagsasayaw bilang paraan ng pagpapahayag ng saloobin at pagkamit ng kasiyahan. “Pagdating po sa pagsasayaw, doon ko po talaga nailalabas yong mga saloobin ko.Doon ko rin po makukuha yong enjoyment at comfort na kailangan ko para sa buhay,” ani Caster. Sa kabila ng kanyang kondisyon, naipamalas niya ang natatanging galing sa pagsayaw matapos siyang magwagi sa CARAA Meet 2025. Ngayon, siya ang kinatawan ng Cordillera Administrative Region sa prestihiyosong Palarong Pambansa 2025. Kasama ang kanyang dance partner na si Kharanissa Jamne Borlongan, patuloy silang nagpapraktis at pinaigting ang kanilang teamwork upang maabot ang tagumpay.
Ang kanilang pagsasanay ay hindi maiiwasang hamunin ng kondisyon ni Caster, lalo na sa pakikinig ng mga auditory cues. Ngunit ginawan ito ng paraan ni Kharanissa sa pamamagitan ng pagbibilang upang masigurong sabay ang kanilang galaw. “Nag-adjust po kami.
Every time na hindi siya nakakarinig, binibilangan ko po siya,” paliwanag ni Kharanissa. Malaki rin ang naging papel ng kanilang coach na si Terrence Jeoffrey Soriano, sa pagtulong kay Caster na maabot ang kanyang potensyal. “Kailangan kong iparamdam sa kanya na hindi siya naiiba. Kung ano ang kayang gawin ng ibang bata, kaya rin niyang gawin,” ani Soriano.
Para sa ama ni Caster na si Jonathan Pacya, ang pagsayaw ay tila isang tradisyong bahagi ng kanilang pamilya. “Yong lolo niya kasi, mahilig din makibalye sa mga pistahan sa probinsya,” pagbabahagi niya habang ipinagmamalaki ang husay ni Caster sa pagsayaw. Sa nalalapit na kompetisyon, labis ang excitement ni Caster na ipakita ang kanyang talento sa pambansang entablado. Higit pa sa panalo, layunin niya na magsilbing inspirasyon sa iba, lalo na sa mga dumaranas ng sariling hamon. “Hindi naman po siya tungkol sa kung
paano ka tignan ng tao. Ang mahalaga ay kung paano mo tignan ang sarili mo,” sabi niya. Ang kwento ni Caster Lan Pacya ay patunay na ang dedikasyon at talento ay kayang talunin ang anumang hamon. Sa bawat hakbang at galaw na ipinamalas niya sa Palarong Pambansa, naipapakita niya ang tapang, tiyaga, at inspirasyon para sa bagong henerasyon ng mga atleta.
Ruth Angeli B. Nonato – UB Intern
April 12, 2025
April 12, 2025
April 12, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025
March 9, 2025
March 4, 2025