BAGONG PANGAKO BAGONG PAG-ASA

NGAYON PA lang, nagkakaugaga na ang mga nahalal noong nakalipas na eleksyon. Kung bait naman kasi naitakda ang pagsisimula ng bagong panunungkulan bukas, alas dose na kataasan ng araw. Muli at muli, bibigyan natin ng parangal ang mga bagong halal – maging ang mga datihang opisyal na naluklok sa nagdaang halalan. Sa mga baguhan, may bagong pangako ng bagong pag-asa na dala ng mabunying araw ng paninimula. Higit na malalim ang pinaghuhugutan, dahil ngayon lamang masusubukan ang ‘ika nga ay mga bagong salta, bagong dayo. Harinawa, ang pagtanggap sa kanila ay maging masigabo at puno ng kasiyahan.

Hindi maitatatwa na labis ang damdaming bumabalot sa kanilang panunumpa sa katungkulang kanilang gagampanan sa susunod na tatlong taon. Oo nga, maikli lang ang panahon ng pagpapatupad ng kanilang mga sinumpaang pananalita. Sa mga mapagmasid, ang tatlong taon para sa mga baguhang manunungkulan ay parang isang iglap lamang. Nagsisimula ka pa lamang ay kumakaway na ang panghuling taon. Ang iba diyan, ayon na rin sa nasaksihan nating mga nakaraan, ay tiwala pa ring matutupad ang mga pangako noong eleksyon. Mayroon ding mga buo ang paniniwalang walang balakid na maaaring humarang sa kanilang determinasyon at debosyon na bigyang karangalan ang kanilang naiatas na tungkulin.

Sa mga mapagmasid na rin, silang mga nasa ikatlong termino na ng panunungkulan ay buong-buo ang kalooban na sa panghuling tatlong taon ay kanilang matutupad ang mga nasumpaang gagawin ng buong-buo at walang anumang bahid ng dumi sa kanilang katauhan. Ito na nga naman ang huling baraha na kanilang ididiskarte para sa dulo ng kanilang susumpaing pananagutan. Ito na ang magiging saksi kung ang tungkuling naiatang sa kanilang balikat ay magkakaroon ng ganap na katuparan. Ano nga ba ang halina ng isang panunungkulang publiko? Ang uri ng gayuma ang sinusundan ng kilo­kilometrong pila ng mga tagapagpatupad ng serbisyo ng gobyerno?

Marahil ay hindi natin maarok ang saloobin ng mga manunungkulan, kahit na ilang oras ang ating gugugulin upang malaman ang kahit paano ay direksyon ng kanilang pamamahala. Ang serbisyong gobyerno ay bukod-tanging nag-iisang uri ng pagsisilbi sa bayan. Munting kibot, gahibla man ang nakikita, ay lumalaki sa paningin ng mga mapanuri. Ang mga nasumpaang gagawin sa loob ng isandaang araw ay naka­marka sa kalendaryong hindi kinukupasan ng panahon. Ang mga pangakong binitiwan ay hindi masusukat kung saan nakahimlay, kundi sa batayan ng mga nagaganap habang nasa mga unang buwan ng paglilingkod.

Ganito ang mga kadalasang kaganapan sa buhay ng isang lider na nagsisilbi. Susukatin sya, ang bawat galaw at emosyon na bumabalot sa mga ginagawa. Kapag nagkaroon ng bahid dungis, tulad ng lumalalang usapin ng korupsyon, nagiging Mission Impossible ang mga susunod na panahong sakop ng kanyang pagsisilbi. Karakter. Kakayahan. Karanasan. Kung nasa inyong lider ang mga katangiang ito, magkakaroon ng malinaw ng kaganapan ang nasumpaang pagpapatupad. Sa mga pagkakataong ganiyan, ating buksan ang ating mga damdamin sa pagnanasang makatulong at maging bahagi ng isang umaalab na kasaysayan.

Amianan Balita Ngayon