BAGUIO CITY
Pinangunahan ni Mayor Benjamin Magalong at mga barangay official ang pagpapasinaya sa modernong tatlong-palapag na satellite market ng Barangay San Vicente, noong Abril 11. Sinimulan ang programa sa isang pagdarasal at basbas na pinangunahan ni Rev. Fr.
David Allan Galas, na sinundan ng ribbon-cutting ceremony na pinangunahan ng mga lokal na opisyal at mga residente, na nagtipon-tipon upang magdiwang ng tagumpay para sa kanilang barangay. Binigyang-diin ni Assistant City Administrator Vittorio Jerico L. Cawis ang mahalagang papel ng pamilihang ito sa pagsulong ng ekonomiya ng barangay.
Samantala, sa kaniyang talumpati, pinuri ni Magalong ang pagtutulungan ng lahat para maisakatuparan ang proyekto. “Ito ay isang patunay ng ating kakayahang lampasan ang mga hamon, Ang problema sa erosyon ay tunay na pagsubok sa panahon ng konstruksyon, ngunit sa tulong ng CVAO, ng kontratista, at ng mga miyembro ng barangay council, nalampasan natin ito. Ngayon, narito tayo upang
makita ang bunga ng ating pagtitiyaga,” pahayag ni Magalong. Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si Punong Barangay Rufina B. Onongen: “Nagpapasalamat kami kay Mayor Magalong at na-grant niya ang Barangay San Vicente na makapagpatayo ng satellite
market. Ang revenue nito ay gagamitin namin para sa iba pang development projects.”
Ang satellite market ay may anim na stall para sa wet at dry goods, ngunit bukas ito para sa iba’t ibang negosyo gaya ng mga café at specialty shops. Ayon kay Onongen, “Ang layunin namin ay masigurong marami ang makinabang sa proyektong ito. Pag-aaralan namin ang tamang paraan ng paghahati ng mga stall para magamit nang wasto.” Ayon kay Cristina Viray, isang residente: “Itong satellite market ay malaking tulong. Noon, lupa lang ang establishment na ito, pero ngayon napakalaking silbi niya na dahil may makikinabang na.” Sinang-ayunan ito ni Maan Piol, isa pang residente: “Maraming opportunities na mag-oopen para sa mga residente natin. Magandang proyekto ito para sa lahat.”
Dagdag pa ni Onongen, “Itong market na to, para ito sa mga entrepreneurs na gustong magbenta. Patuloy naming sisikapin na gawing kapaki-pakinabang ang market habang pinapanatili ang ganda at potensyal ng lugar.” Binigyang-diin naman ni Magalong ang
pangangailangan ng maayos na pamamahala ng pondo mula sa kita ng satellite market. “Hindi lang ito tungkol sa pagtatayo ng gusali; ito ay tungkol sa paglikha ng sistema na magpapatuloy na magbibigay benepisyo sa komunidad,” aniya. Sa pagbubukas ng satellite market, nagsisimula ang Barangay San Vicente sa isang bagong kabanata ng progreso at pag-asa. Ang proyektong ito ay hindi lamang isang pamilihan, kundi isang simbolo ng pagkakaisa at pagtutulungan — isang proyekto na tunay na para sa mga tao.
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025