BAGONG TAON? MANIGONG BAGONG TAON!!!!

Bagong taon, malungkot kaya o masaya? Hanggang saan kaya ang lungkot o saya? May hatak pa
kaya ang mga pangyayari sa nakalipas na 2023? Makakaapekto kaya ito sa pagkakaisa at kahandaan para sa mas matatag na Pilipinas laban sa anumang pagsubok? Himayin natin. 2024, nasa likud natin ang medyo lalo yatang nakakakaba na isyu ng WPS. Ano kaya ang magiging reaksiyon ng Tsina sa pinagsamang pagpapatrolya ng Pilipinas, Amerika, Australia at maaring pagsama pa ang Japan sa mga teritoryong may tensiyon?

Tiyak na girian na naman siguro ang kasunod, ayon sa mga analysts. Kung igigiit talaga ni Pangulong Bongbong Jr. ang kanyang mithiin na walang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas ang maaring mapunta o maagaw ng iba….nasisilip nating nakakapangamba nga ang mga
susunod na mga eksena. Iisa naman ang dalangin ng lahat: sana huwag sanang mauwi sa giyera. Totoo na may mga bansang nakamasid at alam na nila ang mga ginagawa ng Tsina sa ating teritoryo.

Sakaling magkaroon ng mas matinding girian…tanong ng marami: talaga kayang kabisig natin lahat ng mga bansang mga ito at handang tumulong o umalalay sa atin kung sakali? Kaliwa’t-kanan na ang mga trahedya bago nagPasko. Ano naman kayang mga eksena ang para sa Bagong Taon? Gaya ng nilaman ng nakalipas na Daplis…may mga aksidente at may mga namatay dahil sa Pasko. May mga nasunugan at daang mga tao ang nawalan ng bahay at ariarian. In short, ang Pasko ay naging malagim para sa ilan nating kababayan.

Marami na ang lugmok sa nakaraang mga pagsubok. Sala-salabat ang mga problema ng bansa. Presyo ng bilihin, importasyon, illegal na droga , edukasyon at kamakailan pati na ang transportasyon. Jeepney Modernization na magtatapos ang deadline sa December 31, 2023. Mga
jeepney drivers na hindi na makakabiyahe dahil hindi nakakapag-consolidate. Tiyak na marami sa kanila ang magugutom. Ayon sa tala, may mga 30% pa sa kanila ang hindi pa nakikiisa sa modernisasyon na programa ng pamahalaan.

Sabi nga nila…puwede naman nilang gawing modern ang tradisyunal na jeep sa pagpapalit ng makina at pagpapaganda ng kaha nito. Mahal daw kasi ang modernong jeep na lagpas pa daw sa P2.2milyong peso ang halaga. 2024, nakakasabik kang matunghayan. Habang sinusulat ang
espasyong ito…nakapagtala na ang DOH ng 52 na naputukan sa pagsalubong ng kapaskuhan.
Pinakamataas sa NCR kasunod ang rehiyon 3 at rehiyon 12. May mga naputulan ng daliri, kamay o braso. Ang pangamba ay baka madadagdagan pa ang mga bilang na ito pagpasok ng Bagong Taon.

Maaring salubungin ang Bagong Taon ng hindi gagamit ng mga paputok. Subali’t sadyang malakas ang pang-akit ng mga paputok. Kahit nakakadisgrasya, sige pa rin at walang alintana ang magpaputok. Ingat mga ka Amianan. Nasa huli palagi ang pagsisisi. Happy New Year sa lahat! Adios mi amor, ciao, mabalos.

“God is faithful; he will not let you be tempted beyond what you can bear. But when you are tempted, he will also provide a way out so that you can endure it.” – 1 Corinthians 10:13

Amianan Balita Ngayon