Baguio-Benguet, sanib-pwersa para maging host ng Palaro 2018

Tinatapos na ang presentasyon ng Baguio at Benguet para sa pagsabak sa bidding upang maging host ng 2018 Palarong Pambansa.
Inaasahang magiging mahirap ang kompetisyon sa bidding na nakatakda sa huling linggo ng Agosto bunsod ng pagdedeklara ng iba pang local government units ng kanilang kagustuhang maging host din ng Palaro.
Kamakailan ay nagpulong ang mga opisyal ng Department of Education (DepEd) sa pangunguna ni Regional Director May Eclar at City Schools Superintendent Federico Martin, mga kinatawan ng Baguio, La Trinidad at Benguet sa pangunguna ni Provincial Administrator Noel Ngolob, ang Baguio City Police Office at iba pang ahensya para mabuo ang naturang presentasyon.
Kabilang sa kanilang pinag-usapan ang tutuluyan ng mga delegado, lugar ng mga laro, seguridad, budgetary requirements, at traffic scheme. Mahigit 12,000 na partisipante mula sa 18 na rehiyon ng bansa ang inaasahang makikibahagi sa Palaro.
Sa temang “Coolest Palaro”, itatampok sa presentasyon ang mainam na klima, natatanging kultura, ang makulay na sining at pampalakasan, mga magagandang tourist destination, ang kapayapaan at kaayusan, pagkakaroon ng sapat na pasilidad at akomodasyon na world-class.
Nauna rito ay nagpulong sina Mayor Mauricio Domogan, Ngolob at Eclar kasama ang mga kinatawan ng mga lokal na unibersidad at kolehiyo upang siguruhin ang kanilang pagsang-ayon na magamit ang mga pasilidad ng kanilang paaralan sakaling mapili ang Baguio-Benguet na pagdausan ng Palaro.
Kapag natuloy ay ito ang kauna-unahang pagkakataon na sa Cordillera magaganap ang pinakamalaking taunang palarong pampalakasan ng bansa.
Inihayag ng mayor ang kagustuhang maging host ng Palaro ang lungsod at sa pagtatapos sa rehabilitasyon ng Baguio Athletic Bowl at sa pakikipagtulungan ng probinsya ng Benguet ay maaari na itong matupad.
Ani Domogan na sa suporta ng Benguet province, “we are confident that our bid will be given favorable consideration by the Palarong Pambansa Technical Evaluation Committee headed by DepEd.”
Noong nakaraang buwan ay pinangunahan ni Gaudencio Gonzales ng city sports office ang evaluation ng mga pasilidad at kagamitan upang masuri ang kapabilidad ng lungsod na mag-host ng naturang sports meet. Kabilang sa sinuri nila ang mga pag-aaring pribado na maaaring magamit sa Palaro.
Aniya, ang Baguio at Benguet ay may sapat na lugar na pagdarausan, mga pasilidad at gamit para sa parehong paligsahan at akomodasyon ng libo-libong partisipante. Gaby Keith / ABN

Amianan Balita Ngayon